Ebanghelyo: Marcos 1:40-45
Lumapit sa Kanya ang isang may ketong at nakiusap sa Kanya: “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Nahabag si Jesus sa Kanya, ini-unat ang Kanyang kamay, hinipo Siya at sinabi: “Gusto ko, luminis ka!” Nang oras ding iyon, iniwan ang lalaki ng Kanyang ketong at luminis siya.
Ngunit mahigpit siyang pinagbilinan ni Jesus sa Kanyang pag-alis, sinabi Niya: “Mag-ingat ka, huwag mo itong sabihin kaninuman, kundi pumunta ka sa pari para masuri ka Niya at maialay alang-alang sa pagkalinis sa iyo ang handog na iniutos ni Moises upang magkaroon sila ng patunay.”
Ngunit pagkaalis ng tao, sinimulan Niyang ipahayag ito kahit saan at ipamalita ang pangyayaring ito. Dahil dito, hindi na lantarang makapasok sa bayan si Jesus kundi nanatili Siya sa labas, sa mga ilang na lugar. Ngunit may dumarating pa rin sa Kanya na kung saan-saan galing.
Pagninilay
Punong-puno madalas ng kahilingan ang ating mga panalangin. Marami tayong gustong hilingin sa Panginoon, maging ito man ay para sa pansariling pangangailangan o para sa ibang tao. Maging ang taong may ketong sa ating ebanghelyo ay may kahilingan din. Ngunit kataka-takang hindi niya direktang hiniling na siya ay pagalingin. “Kung gusto mo, mapalilinis mo ako.” Isa itong pagpapahayag ng pananampalataya na kung ito ang kalooban ng Panginoon, mapalilinis siya. Sa ating mga dasal, hindi madali ang hilingin kung ano ang kalooban ng Diyos. Paano na lang kaya kung hindi kaloob ng Diyos ang ninanais natin sa ating sarili at hinihiling sa kanya? Handa rin ba nating tanggapin kung ano ang gusto ng Panginoon?
© Copyright Pang Araw-Araw 2021