Ebanghelyo: Marcos 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa; mga mangingisda sila. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya. Nagpatuloy pa siya nang kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod niya.
Pagninilay
Kaya sila’y tumugon agad.” Pagkatapos ng kanyang binyag, si Jesus ay nagtungo sa disyerto para manalangin sa loob ng apatnapung araw. Sa Ebanghelyo ni Marcos, ang pagkakadakip kay Juan ay ang tanda ng pagsisimula ng ministeryo ni Jesus. Nagsimula siyang magturo at tumawag ng mga alagad. Ano ang ginawa ng mga unang nakarinig sa tawag ni Jesus? Agad nilang iniwan… ang mga lambat, ama at kasamahan. Naramdaman nila ang sense of urgency pagdating sa misyon, kaya sila’y tumugon kaagad. Naging prayoridad nila ang tawag ni Jesus, kaya sila’y handang magsakripisyo. “Magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita”, ang kanilang narinig. Hindi ito nangyari nang sila’y nasa rekoleksyon o kaya nasa bakasyon. Ito’y nangyari habang sila’y abala sa kanilang mga pang-araw-araw na gawain. Lalapit din si Jesus sa atin habang tayo’y gumagawa, nagtatrabaho, o kumikilos, at kakausapin tayo. Madidinig din kaya natin ang kanyang tinig? Kaagad-agad din kaya tayong tutugon? Sumapit na ang panahon upang magbagongbuhay at maniwala.
© Copyright Pang Araw-araw 2025