Ebanghelyo: Marcos 1:29-39
Pagkaalis Niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t-ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang Kanyang pinalayas; ngunit hindi Niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.
Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pumunta Siya sa isang ilang na lugar at doon Siya nanalangin.
Hinanap Siya nina Pedro, at pagkakita sa Kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi Niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.”
At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay
May mga bagay tayong pansamantalang hindi nagagawa dahil sa pagkakasakit. Gusto man ng ating kalooban subalit hindi kaya ng katawan. Sa pagkakasakit ng biyenan ni Pedro, marahil ay nais niyang pagsilbihan si Jesus at ang mga alagad nito noong araw na tumuloy sila sa bahay ni Pedro. Ganun na lamang siguro ang kanyang panghihinayang. Subalit napalitan ito ng tuwa nang siya’y pagalingin kung kaya’t “ito mismo ang naglingkod sa kanila.” Paglilingkod ang unang inisip niyang gawin matapos siyang pagalingin. Ito ang tanda ng kanyang pasasalamat. Ganito rin ang paanyaya sa atin sa tuwing dinirinig ng Panginoon ang ating panalangin; ang bumangon at paglingkuran ang Diyos sa ating kapuwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021