Ebanghelyo: Marcos 1:29-39
Pagkaalis niya sa sinagoga, tumuloy si Jesus sa bahay nina Pedro at Andres, kasama sina Jaime at Juan. Doo’y nakahiga ang biyenan ni Pedro at may lagnat, at agad nila itong sinabi kay Jesus. Kaya lumapit siya, hinawakan ito sa kamay at ibinangon. Iniwan ng lagnat ang babae at ito mismo ang naglingkod sa kanila.
Pagkalubog ng araw, nang dumidilim na, dinala nila kay Jesus ang lahat ng maysakit o inaalihan ng masasamang espiritu. Nasa may pintuan nga ang buong bayan. Maraming may iba’t ibang sakit ang pinagaling ni Jesus at maraming demonyo ang kanyang pinalayas; ngunit hindi niya sila pinahintulutang magsalita sapagkat alam nila kung sino siya.
Kinabukasan, maaga siyang bumangon at umalis. Pu-munta siya sa isang ilang na lugar at doon siya nanalangin.
Hinanap siya nina Pedro, at pagkakita sa kanya ay kanilang sinabi: “Hinahanap ka ng lahat.” Ngunit sinabi niya sa kanila: “Tayo na sa ibang lugar, sa maliliit na karatig-nayon para makapangaral din ako roon; dahil dito kaya nga ako lumabas.”
At naglibot siyang nangangaral sa kanilang mga sinagoga sa buong Galilea at nagpapalayas ng mga demonyo.
Pagninilay
May madreng nagreklamo minsan sa kanyang spiritual director. Kagagaling lang niya sa nobisyado, ang unang yugto ng buhay relihiyoso, kung saan hinuh ubog sa panalangin ang nagsusumikap na maging madre. Sa nobisyado, ibinubuhos sa panalangin ang halos buong araw. Pero pagkatapos nitong yugto, na-ni nilbihan na sila sa kung saan man ang misyon nila. At min san, dahil sa dami ng gawain, naka ka ligtaan na ang pagdarasal. Kaya reklamo ng madre na hindi na siya nakakadasal gaya ng dati.
May panahon sa buhay natin na sobrang abala tayo, at kadalasan ang unang nakakaligtaan ay ang pagdarasal. “Naiintindihan naman siguro ako ng Panginoon.” “Dasal naman siguro itong ginagawa ko at para naman ito sa mga kapatid ko ni Kristo.” Ilan lamang ito sa mga dahilan na sinasabi natin. Ngunit, para kay Jesus, kahit na puno ang kanyang araw at marami pa siyang kailangang gawin, nagbigay pa rin siya ng panahon para magdasal. Kahit na gumising pa siya ng ma-daling araw para makipag-usap sa kanyang Ama sa langit. Isa ba sa prayoridad natin ang pagdarasal? O una ba itong nawawala kung tayo’y sobrang abala na?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022