Ebanghelyo: Marcos 1:21-28
At pumunta sila sa Capernaum. At nagturo siya sa sinagoga sa mga Araw ng Pahinga. Nagulat ang mga tao sa kanyang pangangaral sapagkat nangaral siya nang may kapangyarihan, hindi gaya ng mga guro ng Batas.
May isang tao sa sinagoga na inaalihan ng isang maruming espiritu. Sumigaw ito: “Ano ang kailangan mo sa akin, Jesus na taga-Nazaret? Para ipahamak kami kaya ka dumating. Alam ko kung sino ka: ang Banal ng Diyos.”
Ngunit iniutos sa kanya ni Jesus: “Tumahimik ka’t lumabas sa kanya.”
Matinding niyugyog ng espiritu ang taong iyon at pagkasigaw nang malakas ay saka lumabas.
Talagang takang-taka ang lahat at nag-usap-usap sila: “Ano ito? Isang bagong pagtuturo na may kapangyarihan! Inuutusan niya kahit maruruming espiritu at sinusunod nila siya.” At lumaganap ang katanyagan niya saan man sa buong lupain ng Galilea.
Pagninilay
Makapangyarihan ang pangangaral ni Jesus na maging ang mga masasamang espiritu ay nakakilala at sumunod sa kanya. Namangha rin ang mga tao sa sinagoga sa kanyang mga turo. May dating ang kanyang mga salita. Hindi siya kadalasang bumabanggit ng turo ng propeta o mga guro. “Sinasabi ko sa inyo…” ang madalas na umpisa ng kanyang pagtuturo. Sariling mga salita ang kanyang gamit sa pangangaral at ang mga salitang ito ay pinatunayan ng pagpapalayas sa masasamang espiritu na may takot sa kanya. Gayun din naman, makapangyarihan ang kanyang mga salita pagkat pinatutunayan ito ng kanyang mga gawa at halimbawa. Tunay na paniniwalaan at pananaligan si Jesus. Ang pangangaral na hubad sa gawa at halimbawa ay isa lamang pagkukunwari. Ang ating mga salita ay nagpapakita ng ating mga pagpapahalaga. Pinatutunayan ito ng ating mga gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023