Ebanghelyo: Marcos 1:14-20
Pagkadakip kay Juan, pumunta si Jesus sa Galilea. Doon niya ipinahayag ang magandang balita ng Diyos sa pagsasabing “Sumapit na ang panahon; magbagong-buhay at maniwala sa magandang balita; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.”
Sa pagdaan ni Jesus sa pampang ng lawa ng Galilea, nakita niya si Simon kasama si Andres na kapatid niya na naghahagis ng mga lambat sa lawa; mga mangingisda sila. Sinabi sa kanila ni Jesus: “Halikayo, sumunod kayo sa akin at gagawin ko kayong mangingisda ng tao.” Agad nilang iniwan ang kanilang mga lambat at sumunod sa kanya.
Nagpatuloy pa siya nang kaunti, nakita naman niya ang magkapatid na Jaime at Juan na mga anak ni Zebedeo; nasa bangka sila at nagsusursi ng kanilang lambat. Tinawag sila ni Jesus. Agad nilang iniwan sa bangka ang kanilang amang si Zebedeo kasama ang mga tauhan nito, at umalis silang kasunod niya.
Pagninilay
Kapag sinasabi nating “religious experience” ang naiisip nating lugar kung saan ito nangyayari ay sa simbahan o sa mga banal na lugar. Pero karamihan sa mga nakakausap kong mga seminarista madre, natatagpuan nila ang Diyos kahit na saang lugar man sila naroon. At kadalasan, hindi ito sa simbahan. Siyempre iba pa rin ang naibibigay na pakiramdam kung sa simbahan. Pero hindi lang dito natatagpuan ang Diyos. Tulad na lamang ng mga tinawag ni Jesus sa Ebanghelyo nga yon. Wala sila sa Templo o sa sinagoga. Nasa dalampasigan sila, nag hahayuma ng kanilang mga lambat.
Tayo rin ay pwedeng tawagin ng Panginoon kahit na saang lugar o anuman ang estado natin sa buhay. Tinatawag tayo ni Jesus maging sa pinaka-ordinaryong gawain sa pang araw araw. Isa sa mga turo ni San Ignacio de Loyola ay ang pagha-hanap sa Diyos sa lahat ng aspeto ng ating buhay. At dahil dito, napapaba-nal ang lahat nang mga ginagawa natin. Nakikita mo ba ang Diyos sa mga ginagawa mo sa araw araw?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022