Ebanghelyo: Mateo 3:13-17
Dumating noon si Jesus mula sa Galilea at lumapit kay Juan sa Ilog Jordan para magpabinyag. Pero tumanggi si Juan at sinabi: “Ako ang dapat na magpabinyag sa iyo, bakit ikaw ang lumapit sa akin?”
Ngunit sumagot sa kanya si Jesus: “Hayaan mo. Simulan natin sa simula.” Kaya sumang- ayon si Juan.
Matapos mabinyagan, umahon si Jesus mula sa tubig. At agad na nabuksan ang langit at nakita niya ang Espiritu ng Diyos na bumababang parang kalapati at papunta sa kanya. Narinig kasabay nito ang boses mula sa langit na nagsabi: “Ito ang aking Anak, ang Minamahal, siya ang aking Hinirang.”
Pagninilay
Bakit minarapat ni Jesus na magpabinyag tulad ng mga taong dinala ni Juan Bautista sa pagsisisi sa mga kasalanan at sa pagpapabinyag. Ang pagbibinyag kay Jesus ay tumutukoy sa kanyang pagyakap sa kalagayan ng tao. Bagama’t siya’y Diyos at Anak ng Diyos, kaisa siya sa ating pagkatao, ang sangkatauhang nahulog sa kasalanan. Sa ganitong pamamaraan, maliligtas niya ang sangkatauhan mula sa kasalanan patungo sa biyaya ng Panginoon. Nagpapakita rin ito ng kanyang pagsunod sa kalooban ng Diyos Ama. Sa ganun nga ay nabuksan ang kalangitan at narinig ang tinig ng Diyos Ama na nagwika, “Ito ang bugtong kong Anak na labis kong kinalulugdan.” Bilang mga binyagan kay Kristo, tayo’y naging mga inampong anak ng Diyos. Marapat lamang na magsumikap tayong sundin ang kalooban ng Diyos upang tayo rin ay maging kalugod-lugod gaya ni Kristo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023