Ebanghelyo: Juan 3:22-30
Pagkatapos nito, pumunta si Jesus at ang Kanyang mga alagad sa lupain ng Judea, at tumigil Siya roong kasama nila at nagbinyag. Nagbibinyag din noon si Juan sa Ainon na malapit sa Salim dahil maraming tubig doon, at may mga nagsisidating at nagpapabinyag. Hindi pa nabibilanggo noon si Juan.
At nagkaroon ng pagtatalo ang mga alagad ni Juan at ang isang Judio tungkol sa paghuhugas. Pinuntahan nila si Juan at sinabi sa Kanya: “Rabbi, ang kasa-kasama mo sa ibayo ng Jordan, na pinatunayan mo, nagbibinyag Siya ngayon at sa Kanya pumupunta ang lahat.” Sumagot si Juan: “Walang anumang makukuha ang isang tao malibang ibigay ito sa Kanya ng Langit.
Kayo mismo ang makapagpapatunay na sinabi kong ‘Hindi ako ang Mesiyas kundi sinugo akong manguna sa Kanya.’ Sa nobyo ang nobya. Naroon naman ang abay ng nobyo para makinig sa Kanya at galak na galak Siya sa tinig ng nobyo. Ganito ring lubos ang aking kagalakan. Dapat siyang humigit at ako nama’y lumiit.”
Pagninilay
Lubos na pinaghahandaan ng mga abay sa kasal ang kanilang gampanin sa espesyal na araw na iyon. Lalo’t higit ang mga abay na babae, sinisuguro nilang kaaya-aya ang kanilang gayak. Ngunit hindi marapat na makaagaw sila ng atensyon at masapawan ang ikakasal ng dahil lamang sa pagsisikap nilang mapansin ng ibang tao ang sarili. Tulad ni Juan Bautista, tayo’y mga abay lamang sa kasal. Ano mang papuri ang matanggap natin mula sa iba, ito sana’y magdala sa atin sa pasasalamat at pagbibigay papuri sa Panginoon. Mas makilala, mahalin at paglingkuran nawa ng lahat ang Panginoon at hindi ang ating mga sarili. Magiging lubos ang ating kagalakan kung magagampanan nating mabuti ang ating tungkulin
bilang mga abay ni Jesus.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021