Ebanghelyo: Marcos 6:45-52
Agad na pinilit ni Jesus na sumakay sa bangka ang mga alagad at pinauna sa Betsaida sa kabilang ibayo habang pinaaalis niya ang mga tao. At pagkapaalis niya sa kanila, mag-isa siyang lumayo papunta sa kaburulan para manalangin. Nasa laot na ang bangka nang gumabi at nag-iisa naman siyang nasa lupa. Nakita niya silang nahihirapan sa pagsagwan sapagkat pasalungat ang hangin. Kaya nang madaling-araw na, pinuntahan sila ni Jesus na naglalakad sa dagat at waring lalampas sa kanila. Nang makita nila siyang naglalakad sa dagat, akala nila’y multo siya. Kaya sumigaw sila. Nakita nga siya nilang lahat at nasindak sila. Ngunit agad niya silang kinausap: “Lakasan ang loob! Ako ito, huwag kayong matakot.” Nang nakasakay na siya sa bangka kasama nila, tumigil ang hangin kaya lalo pa silang namangha. Hindi nga nila naunawaan ang tungkol sa mga tinapay, kundi sarado ang kanilang isip.
Pagninilay
“Ako ito, huwag kayong matakot!” Hindi smooth-easy-sailing ang pagsasagwan ng mga alagad. Tila hindi rin nila enjoy ang trip. Pero hindi sila tumigil kahit sila’y sumasalungat sa malakas na hangin. Hindi rin sila nag-iba ng direksiyon na posibleng mas madaling puntahan ayon sa hangin. Sila’y determinadong puntahan ang Betsaida, dahil ito ang utos ni Jesus. Sila’y pinagbilinan ni Jesus na magpunta sa kabilang ibayo, at ito nga ang kanilang ginagawa. Pero sa sobrang stressed nila sa kanilang pagsasagwan, hindi nila namalayan ang presensya ng Panginoon nang siya’y lumapit. Maaari rin na mangyari sa atin ito. Sa kabila ng hirap nang mga hakbangin, hindi natin namamalayan na nasa ating tabi na pala si Jesus. Kahit impossible pa na literal na makita natin si Jesus sa personal o makinig talaga ang kanyang tinig. Gayun pa man, Siya’y nagpaparamdam sa iba’t-ibang paraan. “Ako ito, huwag kayong matakot!”, ang kanyang sinasambit sa atin sa pamamagitan ng mga tanda. Mamamalayan na lang natin ang biglang pagkalma ng malakas na hangin, o pagtigil ng bagyo. Tama pala ang direksyon! Mabuti pala at hindi tayo nagpatinag at nag-iba
ng daan.
© Copyright Pang Araw-araw 2025