Ebanghelyo: Mateo 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.”
Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas.
At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.”
Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.”
Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira.
At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Pagninilay
Sa araw ng Epipaniya, naging ganap ang hula ni propeta Isaias na may mga mula sa silangan na maghahandog ng alay sa Anak ng Diyos. Nagpakilala si Jesus hindi lamang sa mga Hudyo ngunit maging sa mga Hentil; pagpapakita na ang buong sangkatauhan ay bahagi ng pangakong kaligtasan.
Kinakatawan ng tatlong pantas ang mga hindi Hudyong buong galak na tumanggap kay Jesus. Sa mahabang panahon, inaral nila ang mga bituin sa kalangitan na siyang hudyat sa pagdating ng isang dakilang tao sa pamamagitan ng pagningning ng isang bagong tala. Gabay ang tala, naglakbay sila lakip ang tiwalang matatagpuan nila ang matagal na nilang hinihintay. Inalay nila ang kanilang mga handog na sagisag ng pagkatao at misyon ng batang Jesus: ginto na simbolo ng pagiging hari; mira na sagisag ng kanyang kamatayan; at kamanyang na simbolo ng kanyang pagka-Diyos. Naghintay, naghanda, at naglakbay ang mga pantas upang makita si Jesus. Gamit ang kanilang dunong ukol sa mga bituin sa kalangitan, kanilang natagpuan ang batang si Jesus.
Bawat isa sa atin ay binigyan ng karunungan at kakanyahang marapat gamitin upang matagpuan si Jesus at ang kanyang kalooban. Nagpapakita ang Diyos sa maraming paraan. Pinapahayag niya ang kanyang kalooban sa mga kaganapan at mga tanda ng panahon. Gamit ang karunungan, pagsumikapan nawa natin na matagpuan si Jesus sa mga karanasan ng ating pang-araw-araw na buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023