Ebanghelyo: Marcos 6:34-44
Pagdating ni Jesus sa pampang, nakita niya ang maraming taong nagkakatipon doon at naawa siya sa kanila sapagkat para silang mga tupang walang pastol. At nagsimula siyang magturo sa kanila nang matagal. Nang humahapon na, lumapit sa kanya ang mga alagad at sinabi: “Nasa ilang na lugar tayo at lampas na ang oras.” Paalisin mo sila nang makapunta sila sa mga nayon at bukid sa paligid at makabili ng kani-kanilang makakain.” Ngunit sumagot si Jesus sa kanila: “Kayo ang magbigay sa kanila ng makakain.” Sinabi naman nila: “At kami pa pala ang bibili ng tinapay – dalawandaang denaryo, di ba? At bibigyan namin sila.” Ngunit sinabi niya: “Ilang tinapay meron kayo? Sige, tingnan ninyo.” At pagkatingin nila ay kanilang sinabi: “Lima at may dalawa pang isda.” Kaya iniutos niya sa kanila na paupuin nang grupu-grupo ang makapal na tao sa berdeng damuhan. At naupo silang grupu-grupo, tigsasandaan at tiglilimampu. Kinuha niya ang limang tinapay at dalawang isda, tumingala sa langit, nagpuri, hinati ang mga tinapay at ibinigay sa kanyang mga alagad para ibigay din nila sa mga tao. Gayundin naman, hinati niya ang dalawang isda. At kumain silang lahat at nabusog, at inipon nila ang mga natirang pira-piraso labindalawang punong basket ang mga piraso ng tinapay pati na ang mga piraso ng isda. Mga limanlibong lalaki ang napakain.
Pagninilay
“Nakaramdam siya ng awa at pag-ibig.” Ano kaya ang kalagayan ng mga tupang walang pastol? Ang tupang hindi dinadala sa magandang pastulan at pinapainom ay mamamayat, mauuhaw at magkakasakit. Ang tupang walang pastol na magtatanggol sa kanya ay madaling masilo at kainin ng mga asong gubat. Nang makita ni Jesus ang mga tao na parang mga tupang walang pastol ay nakaramdam siya ng awa at pag-ibig, at bilang likas sa Kanya ang pagiging mabuti, Siya ay kumilos kaagad. Nagbigay siya ng pagkain para palakasin ang kanilang katawan at kaluluwa, hanggang sa sila’y mabusog. Ang ministeryo ni Jesus, at ng buong Simbahan, ay nagmumula sa maawaing puso ni Jesus. Sa Kamahal-mahalang puso ni Jesus nagmumula ang pagtuturo ng Mabuting Balita at ang Eukaristiya. Ito’y isang paanyaya na simulan din natin sa pag-ibig ang ating mga pastoral plan, mga outreach projects, o mga ayuda sa kapwa. Upang maging mabuting pastol, kailangan muna nating maging mabuting tupa. Ang tupang marunong makinig at sumunod, ay siyang magiging mabuting pastol. Sino-sino kaya ang mga tupa sa iyong buhay na kailangan mong pangalagaan, ipagtanggol at pakainin?
© Copyright Pang Araw-araw 2025