Ebanghelyo: Mt 2: 1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.” Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga
impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mg regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Paninilay
Pinasikat ng broadway na pinamagatang Man of la Mancha ang awit na Impossible Dream. Sabi ng awitin, “This is my quest – to follow the star, no matter how hopeless, no matter how far…”Parang ganoon ang layunin ng mga pantas na sumunod sa tala hanggang sa matagpuan ang bagong silang na Mesiyas. Hindi sila mga hari kundi mga pantas na nakauunawa sa galaw ng kalangitan. Hindi rin sila tatlo sapagkat ang bilang na ito ay ibinatay lamang sa tatlong handog na ginto, kamanyang at mira. Follow the star. Isinasalaysay ng ebanghelyo ayon kay San Mateo ang paglalakbay ng mga pantas sa paggabay ng tala na nakita nila sa silangan. Wala silang sinundan kundi ang liwanag ng tala. Si Jesus mismo ang tala. Wika ng dating Arsobispo ng Maynila, Gaudencio Cardinal Rosales, “Ang tuon ng pansin ng mga pantas ay hindi ang dilim kundi ang liwanag “ upang turuan tayo na huwag titingin sa kadiliman kundi sa kaliwanagang dulot ng tala. No matter how hopeless. Minsan ang paglalakbay natin ay lubhang mahirap at nawawalan tayo ng pag-asa. Magandang pagnilayan ang salitang HOPE. Bawat titik ay may katumbas na salita. H-old O-n, P-roblem E-nds. Tama iyon. Matatapos din ang dilim at paghihirap. Kapit lamang. Maganda rin ang mga salita ni Sta. Catalina ng Siena, “Hope is our radical refusal to put limits to what God can do.” Hindi nga naman masusukat ang kayang gawin ng Diyos. Lahat ay mapangyayari dahil sa kanya, kaya, patuloy tayong umasa. No matter how far. Minsan ay kaylayo pa ng ating pinapangarap. Hindi pa rin payapa ang mundo. Hindi pa rin umuunlad ang Pilipinas. Hindi pa rin nabubuklod ang maraming angkan. Hindi pa rin tayo nagiging banal. Malayo pa nga ang ating lalakbayin ngunit makararating din tayo sa patutunguhan. Malayo ang nilakbay ng mga pantas ngunit nakarating din sila sa Betlehem at nakapatagpo ang sanggol na si Jesus. May dagdag pang leksyon sa atin. Nang makatagpo na ng mga pantas si Jesus ay bumalik na sila subalit hindi na sa dating daan. Nag-iba na sila ng daan palayo kay Herodes. Kapag nakatagpo na natin si Jesus ay tatahak na tayo sa bagong landas. Iiwan na natin ang makasalanang buhay. Babagtasin na natin ang bagong daan ng kabanalan at pagpapakabuti. Kung magkakagayon, ang pangarap natin na makasama si Jesus ay madaling matutupad. Hindi na ito isang impossible dream.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024