Ebanghelyo: Juan 2:1-11
Sa ikatlong araw, may kasalan sa Kana ng Galilea, at naroon ang ina ni Jesus.
Kumbidado rin sa kasalan si Jesus at ang kanyang mga alagad. Ngunit kinapos ang alak sa kasalan kaya wala na silang alak. Kaya sinabi ng ina ni Jesus sa kanya: “Wala silang alak.” Sinabi sa kanya ni Jesus: “Ano sa akin o sa iyo, O Babae? Hindi pa sumasapit ang oras ko.” Sinabi naman ng kanyang ina sa mga katulong: “Gawin n’yo ang anumang sasabihin niya sa inyo.”
May anim na tapayang bato roon para sa sagradong paghuhugas ng mga Judio. Tigwawalumpu o tigsasandaang litro ang laman ng mga iyon. Kaya sinabi ni Jesus sa kanila: “Punuin n’yo ng tubig ang mga tapayan.” At pinuno nga nila hanggang labi ang mga iyon. At sinabi niya: “Kumadlo kayo ngayon at dalhin sa punong-abala.” At dinala nga nila.
Tinikman ng punong-abala ang tubig na naging alak pero hindi niya alam kung saan ito galing, pero alam ng mga katulong ng kumadlo ng tubig. Kaya tinawag ng punong-abala ang nobyo at sinabi sa kanya: “Ang mainam na alak muna ang inihahain ng lahat at saka lamang ang mas mahinang uri kapag lasing na ang mga tao. Pero itinabi mo pala ang mainam na alak hanggang ngayon.”
Ito ang simula ng mga tanda ni Jesus. Ginawa niya ito sa Kana ng Galilea at ibinunyag ang kanyang luwalhati, at nanalig sa kanya ang kanyang mga alagad.
Pagninilay
Sa kultura ng mga Hudyo, ang alak ay isang mahalagang bagay sa isang handaan lalo’t higit sa isang kasalan. Naubusan ng alak ang handaan sa kasal sa Cana kung kaya’t nag-alala si Maria na mapahiya ang kinasal. Sinabihan niya si Jesus tungkol dito ngunit winika ni Jesus na hindi pa iyon ang takdang oras. Gayunpaman, nanalig ang kanyang ina at sinabihan ang mga tagapagsilbi na gawin kung anuman ang ipag-utos ni Jesus. Naganap ang unang himala. Naging mabuting alak ang tubig. Sa ating Kristiyanong tradisyon, si Maria ang ating kanlungan sa ating mga panalangin lalo’t higit sa panahon ng pangangailangan. Ang himala sa Cana ay isang patunay na si Maria, sa tuwina ay namamagitan sa mga nananalig at sumusunod sa anak niyang si Jesus. Nawa’y ang ating mga pamimintuho sa Inang Birheng Maria ay magdala sa atin palapit kay Jesus na ating kapatid.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023