Ebanghelyo: Lucas 4:14-22
Nagbalik si Jesus sa Galilea na taglay ang kapangyarihan ng Espiritu at lumaganap sa buong kapaligiran ang balita tungkol sa Kanya. Kinaugalian Niyang magturo sa kanilang mga sinagoga, at pinupuri Siya ng lahat.
Pagdating Niya sa Nazaret, kung saan Siya lumaki, pumasok Siya sa sinagoga sa Araw ng Pahinga ayon sa Kanyang kinaugalian. Tumindig Siya para bumasa ng Kasulatan, at iniabot sa Kanya ang aklat ni Propeta Isaias.
Sa paglaladlad Niya sa rolyo, natagpuan Niya ang lugar kung saan nasusulat: “Sumasaakin ang Espiritu ng Panginoon kaya’t pinahiran Niya ako upang ihatid ang mabuting balita sa mga dukha. Sinugo Niya ako upang ipahayag ang paglaya sa mga bilanggo, sa mga bulag ang pagkabawi ng paningin, upang bigyang-ginhawa ang mga api, at ipahayag ang taon ng kabutihang-loob ng Panginoon.”
Binilot ni Jesus ang aklat, ibinigay ito sa tagapaglingkod at naupo. At nakatuon sa Kanya ang mga mata ng lahat ng nasa sinagoga. Sinimulan Niyang magsalita sa kanila: “Isinakatuparan ang Kasulatang ito ngayon habang nakikinig kayo.”
At sumang-ayon silang lahat sa Kanya habang nagtataka sa gayong pagpapahayag ng kabutihang-loob ng Diyos na nanggaling sa Kanyang bibig. At sinabi nila: “Hindi ba’t ito ang anak ni Jose?”
Pagninilay
Gaano man karami ang palamuti ng Pasko na ating nakikita, dadalhin pa rin tayo ng ating mga mata sa larawan ng sanggol na si Jesus sa sabsaban. Buong kagalakan nating pinagmamasdan ang sanggol na isinilang. Puno ng kagalakan at pag-asa ang ating mga puso. Maging sa simula ng kanyang ministeryo, sa kanya pa rin “nakatuon ang mga mata ng lahat.” Marahil ay sabik na naghihintay sa kung ano man ang kanyang sasabihin. Handa ba tayong makinig at pukawin ng kung ano man ang hatid ng Espiritu? Huwag nawang mawala ang ating pansin at paningin kay Jesus. Sa ating mga panalangin at mga gawa sa buhay, nawa’y manatiling nakatuon sa kanya ang ating mga mata. Siya ang ating liwanag na siyang tanglaw ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021