Ebanghelyo: Mateo 4:12-17, 23-25
Nang marinig ni Jesus na dinakip si Juan, lumayo siya pa-Galilea. Hindi siya tumigil sa Nazaret, kundi sa Capernaum nanirahan, sa may baybayin ng lawa ng Galilea, sa teritoryo ng Zabulon at Neftali. Kaya natupad ang salita ni Propeta Isaias: “Makinig kayo, mga lupain ng Zabulon at Neftali, mga daang patungo sa Dagat, kabilang ibayo ng Jordan; pakinggan ako, Galileang lupain ng mga pagano. Nakakita na ng malaking liwanag ang mga lugmok sa kadiliman. Sumikat na ang liwanag sa mga nasa anino ng kamatayan.” At magmula noon, sinimulang ipahayag ni Jesus ang kanyang mensahe: “Magbagong-buhay; lumapit na nga ang Kaharian ng Langit.” Nagsimulang maglibot si Jesus sa buong Galilea. Nagturo siya sa kanilang mga sinagoga, ipinahayag ang Mabuting Balita ng Kaharian at pinagaling ang kung anu-anong klase ng sakit at kapansanan ng mga tao. Lumaganap sa buong Siria ang balita tungkol sa kanya. Kaya dinala sa kanya ang mga may karamdaman, ang lahat ng naghihirap dahil sa sakit, ang mga inaalihan ng demonyo, ang mga nasisiraan ng bait, ang mga paralitiko, at pinagaling niya silang lahat. Sinundan siya ng maraming taong galing sa Galilea, sa Sampung Lunsod, sa Jerusalem, sa Judea at sa kabilang ibayo ng Jordan.
Pagninilay
“Hanapin ang Least, Lost, at Last.” Sa ebanghelyo ayon kay Mateo, ang pagdakip kay Juan ay naging senyales kay Jesus na panahon na upang simulan ang kanyang ministeryo. Lumipat siya sa Capernaum, upang matupad ang hula ni Propetang Isaias na sisikat ang malaking liwanag sa mga naninirahan sa kadiliman. Maraming pagano noon sa lupain na ito, at mga Hudyo din na malayo sa Diyos. Dinaraanan din ang Capernaum ng mga manlalakbay mula sa Damascus patungong Ehipto, sa tinatawag na Via Maris. Kaya nama’y buhay na buhay ang bayan na ito. Mula sa Capernaum, madali ring puntahan ang iba’t ibang bayan sa Lawa ng Tiberias at sa Galilea. Mula rito, madali na para kay Jesus na marating ang mga tinuturing nating the Least, the Lost, and the Last. The Least, ang mga taong nasa lansangan, mga ketongin, mga matatanda, at mga may sakit. The Lost, ang mga publikano at mga pagano. The Last, ang mga biyuda, ulila, at dayuhan. Misyon din ng Simbahan ngayon, at tungkulin ng bawat binyagan, na hanapin ang Least, Lost, at Last, bilang pagpapatuloy ng ministeryo ni Jesus. Kailan mo naranasang maging liwanag sa taong nasa kadiliman?
© Copyright Pang Araw-araw 2025