Ebanghelyo: Mateo 2:1-12
Pagkapanganak kay Jesus sa Betlehem sa Judea, sa panahon ni Haring Herodes, dumating sa Jerusalem ang ilang pantas mula sa Silangan. Nagtanong sila: “Nasaan ang bagong silang na hari ng mga Judio? Nakita namin ang pagsikat ng kanyang tala sa Silangan at naparito kami para sambahin siya.” Nang marinig ito ni Herodes, naligalig siya at ang buong Jerusalem. Ipinatawag niya kaagad ang buong kaparian at ang mga dalubhasa sa Batas, at itinanong sa kanila kung saan ipanganganak ang Mesiyas. At sinabi nila: “Sa Betlehem ng Juda sapagkat ito ang isinulat ng Propeta: “At ikaw, Betlehem, sa lupain ng Juda, hindi ikaw ang pinakaaba sa mga angkan ng Juda, sapagkat sa iyo magmumula ang isang pinuno: siya ang magiging pastol ng aking bayang Israel.” Kaya lihim na tinawag ni Herodes ang mga pantas at hiningi sa kanila ang mga impormasyon tungkol sa sumikat na tala. At saka niya sila pinapunta sa Betlehem at sinabi: “Pumunta kayo at alamin ang tungkol sa bata. Pagkakita ninyo sa kanya, bumalik kayo sa akin para makapunta rin ako sa kanya at makasamba.” Umalis sila pagkarinig nila sa hari. Nagpauna sa kanila ang tala na nakita nila sa Silangan, at tumigil ito sa itaas ng lugar na kinaroroonan ng sanggol. Labis na natuwa ang mga pantas nang makita nilang muli ang tala! Pumasok sila sa bahay at nakita nila ang sanggol kasama ni Mariang kanyang ina. Lumuhod sila at sumamba, at binuksan ang kanilang mga mamahaling dala at hinandugan siya ng mga regalong ginto, kamanyang at mira. At nag-iba sila ng daan pag-uwi nila sa kanilang lupain dahil binilinan sila sa panaginip na huwag nang bumalik kay Herodes.
Pagninilay
Sa Simbang gabi, naghahanda tayo para sa pagsilang ni Kristo. Sa panahon ng Pasko ng Pagsilang, ipinakikilala sa atin unti-unti kung sino ang sanggol na sa ati’y dumating. Kapistahan ngayon ng pagdalaw ng mga pantas, at sa mga dala nilang regalo ay may kaunting impormasyon tungkol sa sanggol. Ang handog na regalo sa Kanya ay ginto bilang tanda ng Kanyang karangalan bilang Hari. Inialay din ang mira dahil hindi lamang siya tao, kung hindi Siya’y Diyos. Siguradong nagulat sina Maria at Jose nang nakita nila ang kamanyang, dahil ito ang ipinapahid sa katawan ng isang taong namatay. Simbolo ito ng kamatayan sa krus at ng pag-aalay ng sarili bilang Mesiyas. Binibigyang-kahulugan ng mga handog na ito ang paggalang ng mga pantas kay Jesus bilang Hari, Diyos at Mesiyas. Sumunod sila sa tala upang makarating sa kinaroroonan ng bata. Nang hindi na nila makita ang pagsikat nito, nagtatanong-tanong na sila. Nakapagtataka na kahit ang bulong ng isang masamang tao, ang payo ni Herodes, ay nakatulong at sila’y nakarating sa kanilang paroroonan. Sumunod sila sa gabay na tala, at nagalak nang makita nila ang sanggol. Labis na kahanga-hanga ang paraan ng Diyos, sinisigurado Niyang tayo ay nasa tama at mabuting landas. May iba’t-ibang talang sinusundan ng mga tao. Minsan, ang tala ng pera, o ng karangyaan, o ng pleasure. Hindi naman sa Betlehem ang turo ng mga ito. Ano ang tala na sinusundan mo? Kung ang ating mata ay nakatingin lamang sa ating sarili, hindi natin makikita ang pagsikat ng tala sa kalangitan. Itaas natin ang paningin at sundan natin ang talang gumagabay patungo kay Kristo.
© Copyright Pang Araw-araw 2025