Ebanghelyo: Jn 1: 43-51
Kinabukasan, niloob niyang lumabas pa-Galilea at natagpuan niya si Felipe. Sinabi ni Jesus sa kanya: “Sumunod ka sa akin.” Taga-Betsaida si Felipe na kababayan nina Andres at Pedro. Natagpuan ni Felipe si Natanael at sinabi nito sa kanya: “Ang tinukoy ni Moises na nakasulat sa Batas at Mga Propeta, natagpuan namin siya – si Jesus na anak ni Jose, na taga-Nazaret.” Sinabi naman sa kanya ni Natanael: “May mabuti bang puwedeng manggaling sa Nazaret?” Sagot sa kanya ni Felipe: “Halika’t makikita mo.” Nakita ni Jesus si Natanael na palapit sa kanya at sinabi niya tungkol sa kanya: “Hayan, isang totoong Israelitang walang pagkukunwari.” Sinabi sa kanya ni Natanael: “Paano mo ako nakilala?” Sumagot sa kanya si Jesus: “Bago ka pa man tawagin ni Felipe, habang nasa ilalim ka ng punongigos, nakita na kita.” Sumagot si Natanael: “Rabbi, ikaw ang Anak ng Diyos, ikaw ang Hari ng Israel.” Sumagot si Jesus: Sinabi ko lang sa iyong nakita kita sa ilalim ng punong-igos, at naniniwala ka na? Higit pa sa mga ito ang makikita mo.” At idinugtong ni Jesus: “Talagangtalagang sinasabi ko sa inyo, makikita ninyong bukas na ang langit at panhikpanaog sa Anak ng Tao ang mga anghel ng Diyos.”
Paninilay
Ma raming mga nagtatapos sa pagaaral na mula sa mahirap na pamilya pero naging cum laude. Mayroong nagmula sa dukhang angkan ngunit topnotcher sa board exam. Bagama’t marami ang natutuwa sa ganitong mga balita, may ilang tao pa rin na nagtataka at nagtatanong, “Paanong nangyari ‘yon? May matalino bang magmumula sa pamilyang walang makain?” Nang mabalitaan ni Natanael ang tungkol kay Jesus ay nagtanong siya, “May puwede bang manggaling na mabuti sa Nazaret?”Ano nga ba naman ang bayan ng Nazaret? Isang hamak na lugar lamang. Paaano mangyayari na doon magmumula ang Mesiyas na tinutukoy ni Moises sa Kautusan at ng mga propeta? Hindi ba’t dapat ang Mesiyas ay magmula sa kilala at marangal na lugar? Sarado ang isip ng marami. Para sa kanila, ang mahirap ay lalaki at mamamatay na mahirap. Ang makasalanan ay hindi na magbabago. Walang sisibol na mabuti sa masamang lugar. Iba ang pananaw ng Panginoon. Kahit sa putikan ay lilitaw ang magandang halaman. Dating makasalanan si San Agustin. Nagbago siya at naging dakilang santo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024