Ebanghelyo: Juan 1:35-42
Kinabukasan, naroon na naman si Juan at dalawa sa kanyang mga alagad. Pagdaan ni Jesus, tinitigan niya ito at sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad kaya sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita niya silang sumusunod, at sinabi niya sa kanila: “Ano’ng hinahanap n’yo?” Sumagot naman sila sa kanya, “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?” At sinabi niya sa kanila: “Halikayo at inyong makikita.” At pumaroon sila at nakita kung saan siya namamalagi, at maghapon silang namamalagi sa kanya. Magiikapat ng hapon ang oras noon. Si Andres na kapatid ni Simon Pedro and isa sa dalawang sumunod sa kanya pagkarinig kay Juan. Una niyang natagpuan ang kapatid niyang si Simon at sinabi sa kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).” Inihatid niya siya kay Jesus. Tinitigan siya ni Jesus at sinabi nito: “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Kefas (na kung isasalin ay Pedro).”
Pagninilay
“Halika at iyong makikita.” Sumunod si Andres kay Jesus ng dahil sa pagsaksi ni Juan Bautisa, at nakilala ni Simon si Jesus ng dahil sa pagsaksi ni Andres. Sa ganitong paraan ay lumago ang unang munting Sambayanang Kristiyano, isang resulta ng personal na paanyaya. Isinulat ni Papa Francisco sa Evangelii Gaudium na ang Simbahan ay hindi lumalaki sa pamamagitan ng proselitismo. Lumalago ang isang komunidad sa pamamagitan ng pagbibigay saksi tungkol kay Kristo. Ang ating pagiging alagad, o pagiging katoliko, ay ayon sa personal na pagkakakilala kay Kristo. Ang mga doktrina na ating pinaniniwalaan at itinuturo, at ang mga debosyong isinasagawa natin, kahit ang mga sakramento na tinatanggap natin, ay may bisa lamang kung si Kristo ay kikilalanin natin sa ating buhay bilang totoong tao, kaibigan, at guro. Naging handa si Juan Bautista at ang mga apostol na mag-alay ng kanilang buhay ayon sa Mabuting Balita sapagkat nakilala nila ng personal ang Mesiyas. Naaalala mo ba ang mga panahon o pagkakataon kung kailan naramdaman mo ang Kanyang tinig na nagsabi, “halika at iyong makikita”, at ano iyong naging tugon sa tawag?
© Copyright Pang Araw-araw 2025