Ebanghelyo: Juan 1:35-42
Kinabukasan, naroon na naman si Juan at dalawa sa Kanyang mga alagad. Pagdaan ni Jesus, tinitigan Niya ito at sinabi: “Hayan ang Kordero ng Diyos.” At narinig siyang nagsasalita ng dalawang alagad kaya sinundan nila si Jesus. Lumingon si Jesus at nakita Niya silang sumusunod, at sinabi Niya sa kanila: “Ano’ng hinahanap n’yo?” Sumagot naman sila sa Kanya, “Rabbi (na kung isasalin ay Guro), saan ka namamalagi?” At sinabi Niya sa kanila: “Halikayo at inyong makikita.” At pumaroon sila at nakita kung saan Siya namamalagi, at maghapon silang namamalagi sa Kanya. Mag-iika-apat ng hapon ang oras noon.
Si Andres na kapatid ni Simon Pedro and isa sa dalawang sumunod sa Kanya pagkarinig kay Juan. Una Niyang natagpuan ang kapatid Niyang si Simon at sinabi sa Kanya: “Natagpuan namin ang Mesiyas (na kung isasalin ay Pinahiran).”
Inihatid Niya Siya kay Jesus. Tinitigan Siya ni Jesus at sinabi nito: “Ikaw si Simon na anak ni Juan. Tatawagin kang Kefas (na kung isasalin ay Pedro).”
Pagninilay
Ano ang inyong hinahanap? Nagtanong si Jesus sa mga alagad ni Juan. Nakilala nila si Jesus bilang isang Guro at sila’y sumunod sa Kanya. Naranasan nilang makasama si Jesus sa isang araw. Isa sa kanila si Andres na siyang nagdala sa kanyang kapatid na si Simon kay Jesus. At si Simon ay pinangalanan niyang Pedro, ang bato na siyang pagtutukuran ng Simbahan. Ano ang ating hinahanap? Hinahanap ba natin ni Jesus sa ating paglalakbay at nararanasan ba natin siya sa ating buhay? Katulad ni Andres, nagsusumikap ba tayong madala patungo kay Jesus ang ating kapuwa? Katulad ni Simon na tinawag na Pedro, nais din ba nating baguhin ni Jesus ang ating buhay ng tulad sa kanya? Nawa’y matagpuan at maranasan natin si Jesus sa mga ordinaryong araw ng ating buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023