Ebanghelyo: Juan 1:29-34
Kinabukasan, nakita niya si Jesus na papalapit sa kanya kaya sinabi niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, sa kanya napapawi ang sala ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sinabi kong ‘Isang lalaki and kasunod kong dumarating, nauna na siya sa akin pagkat bago ako’y siya na.’ Wala nga akong alam sa kanya pero upang mahayag siya sa Israel ang dahilan kaya dumating akong nagbibinyag sa tubig.” At nagpatunay si Juan sa pagsasabing “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at namalagi sa kanya. Wala nga akong alam sa kanya pero ang nagpadala sa akin na magbinyag sa tubig ang siya ring nagsabi sa akin: ‘Kung kanino mo makitang bumababa ang Espiritu at namamalagi sa kanya, ito ang magbibinyag sa Espiritu Santo!” Nakita ko at pinatutunayan ko na siya nga ang hinirang Diyos.”
Pagninilay
“Makapangyarihan ang pangalan ng ating Panginoon.” Matagal nang laganap sa tradisyon ng Simbahan ang debosyon sa Banal na Pangalan ni Jesus. Noong 2002, ito’y naging isang kapistahan tuwing ika-3 ng Enero ng bawat taon. Nakasulat sa Mt. 2:21 na “pagsapit ng ikawalong araw, tinuli ang bata at pinangalanang Jesus. Ito ang pangalang sinabi ng anghel bago pa siya [si Maria] ipaglihi”. Ito ang dahilan kung bakit ipinagdiriwang natin ang pistang ito mga ilang araw matapos ang Pagsilang ni Jesus. Makapangyarihan ang pangalan ng ating Panginoon. Sa buhay ng mga santo, madalas nilang inuulit ang pangalang “Jesus” bilang dasal: maging sa pagsamba, paghingi ng tawad, o paghingi ng tulong. Marami ang pagkakakilanlan kay Jesus: sa kasalukuyang ebanghelyo ay itinuturing siyang Kordero ng Diyos. Sa pamamagitan ng kaniyang sakripisyo, iniligtas tayo ng Diyos sa lahat ng kapighatian. Naaalala mo ba ang unang beses na narinig mo ang pangalan ni Jesus? Sino ang una mong katekista, o sino ang nagturo sa’yo tungkol sa Kanya? Sa iyong pagdarasal, ano ang paborito mong itawag kay Jesus?
© Copyright Pang Araw-Araw 2025