Ebanghelyo: Juan 1:29-34
Kinabukasan, nakita Niya si Jesus na papalapit sa Kanya kaya sinabi Niya: “Hayan ang Kordero ng Diyos, sa Kanya napapawi ang sala ng mundo. Ito ang tinutukoy ko nang sinabi kong ‘Isang lalaki and kasunod kong dumarating, nauna na Siya sa akin pagkat bago ako’y Siya na.’
Wala nga akong alam sa Kanya pero upang mahayag Siya sa Israel ang dahilan kaya dumating akong nagbibinyag sa tubig.”
At nagpatunay si Juan sa pagsasabing “Nakita ko ang Espiritu na bumababa mula sa langit gaya ng isang kalapati, at namalagi sa Kanya. Wala nga akong alam sa Kanya pero ang nagpadala sa akin na magbinyag sa tubig ang Siya ring nagsabi sa akin: ‘Kung kanino mo makitang bumababa ang Espiritu at namamalagi sa Kanya, ito ang magbibinyag sa Espiritu Santo!” Nakita ko at pinatutunayan ko na Siya nga ang hinirang ng Diyos.”
Pagninilay
Si Jesus ang kordero ng Diyos. Sa tradisyon ng mga Hudyo, ang karnero o kordero ang hayop na pangalay sa panahon ng Paskuwa. Sa pag-alay ni Jesus ng kanyang sarili sa krus, nabigyan ng mas malalim na kahulugan ang pagka-pari. Sa Lumang Tipan, ang pari ang siyang tagapag-alay sa templo para sa kapatawaran ng kasalanan ng mga tao. Sa pag-aalay ni Jesus ng kaniyang sarili, naging mas higit pa siya sa pari. Hindi lamang siya ang tagapag-alay, siya mismo ang korderong alay para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Sa binyag, tayo’y nakikibahagi sa pagiging pari ni Jesus (common priesthood). Samakatuwid, tayo’y inaanyayahang mag-alay ng ating mga sarili sa pamamagitan ng pagbabahagi ng ating sarili sa paglilingkod sa ating kapuwa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023