Ebanghelyo: Lucas 2:16-21
Kaya nagmamadali silang pumunta at natagpuan nila si Maria at si Jose at ang sanggol na nakahiga sa sabsaban. Pagkakita rito, pinatotohanan nila ang pahayag na binigkas sa kanila tungkol sa batang ito. Namangha rin ang mga nakarinig sa mga sinasabi ng pastol sa kanila. Iningatan naman ni Maria ang mga ito at pinagnilay-nilay sa kanyang puso. Umuwi ang mga pastol’ na niluluwalhati at pinupuri ang Diyos dahil nakita nila ang lahat ng kanilang narinig ayon sa ipinasabi sa kanila. Pagsapit ng ikawalong araw, kailangan nang tuliin ang bata; noon siya pinangalanang Jesus, ang itinawag sa kanya ng anghel bago pa siya ipinaglihi.
Pagninilay
Iningatan ang lahat sa kanyang puso at pinagnilay-nilayan.” Isa sa mga malaking pag-ibig ni San Luigi Orione, ang apostol ng pagkakawanggawa, ay ang pagibig at debosyon sa ating Mahal na Ina. Sa kanyang pagtuturo tungkol kay Maria, isinulat niya na ang titulong Ina ng Diyos, ang pinakadakilang titulo ni Maria. Ang ibang tawag sa kanya ay nasa ilalim ng titulong ito, dahil ang pagiging Ina ng Diyos ay ang pinakadakila niyang karangalan. Ipinahintulot ng Konsilyo Ecumenico ng Efeso noong taong 431 na maaring igalang si Maria bilang Theotokos, na ang ibig sabihin ay Ina ng Diyos. Hindi ito nangangahulugan na mas mataas pa kay Jesus si Maria. Si Jesus, na taong totoo at Diyos namang totoo, ay kanyang anak, kaya si Maria ay maaari ring tawaging Ina ng Diyos. Hindi natin matutularan si Maria sa kanyang misyon, dahil siya lang ang pinili para dito. Pero maaaring matularan ang kanyang mga katangian. Nag-alaga si Maria, naging mapagmahal na ina at maybahay, at iningatan ang lahat sa kanyang puso at pinagnilaynilayan. Kung pagninilayan natin ang mga magagandang pangyayari sa ating buhay, pati ang mga hindi gaano kaganda, siguradong magkakaroon tayo ng karagdagang realisasyon na siyang magtutulak sa ating umawit ng may galak.
© Copyright Pang Araw-Araw 2025