Ebanghelyo: Lc 2: 41-52
Pumupunta taun-taon sa Jerusalem ang mga magulang ni Jesus para sa Piyesta ng Paskuwa. Kayat nang maglabindalawang taon na siya, umahon sila tulad ng nakaugalian para sa pagdiriwang. Subalit nang umuwi na sila pagkatapos ng mga araw ng piyesta, naiwan sa Jerusalem ang batang si Jesus nang hindi namamalayan ng kanyang mga magulang. Sa pag-aakalang kasama siya ng iba pang mga kasamahan, maghapon silang nakipaglakbay at noon nila hinanap ang bata sa mga kamag-anakan nila’t mga kakilala. Nang hindi nila siya matagpuan, bumalik sila sa Jerusalem sa paghahanap sa kanya. At sa ikatlong araw, natagpuan nila siya sa Templo, nakaupong kasama ng mga guro at nakikinig at nagtatanong sa kanila. At namangha sa kanyang talino at mga sagot ang mga nakarinig sa kanya. Nagulat ang kanyang mga magulang pagkakita sa kanya, at sinabi sa kanya ng kanyang ina: “Anak, bakit mo naman ito ginawa sa amin? Nagdusa nga ang iyong ama at ako habang hinahanap ka namin.“ Ngunit sinabi niya sa kanila: “At bakit ninyo ako hinahanap? Hindi ba ninyo alam na dapat ay nasa bahay ako ng aking Ama?“ Pero hindi nila naintindihan ang sinabi niya sa kanila. Kaya bumaba siyang kasama nila pa- Nazaret, at patuloy siya sa pagiging masunurin sa kanila. Iningatan naman ng kanyang ina ang lahat ng ito sa kanyang puso. At umunlad si Jesus sa karunungan at edad at kagandahangloob sa paningin ng Diyos at ng mga tao.
Pagninilay
Ang pamilya ang itinuturing na pinakapayak at pinakamahalagang aspeto ng kulturang Pilipino. Gayundin naman, sa panahon ngayon, ang Pamilyang Pilipino ay dumaraan sa mga matitinding pagsubok at bagyo na pinipilit itong ibuwal. Naririyan ang kahirapan ng buhay, karahasan at diskriminasyon, pagkagumon sa iba’t-ibang uri ng adiksyon, at mga pang-aabuso. Ngayon araw, ipinagdiriwang natin ang Kapistahan ng Banal na Mag-anak – Si Jesus, Maria at Jose. Maraming magagandang katangian ang maaari nating matutunan at maisabuhay bilang gabay sa ating pamilya. Si Jesus, bilang huwarang na tamang pagsunod hindi lamang sa kanyang Ama sa Langit, maging sa kanyang magulang na sina Maria at Jose. Si Maria ang huwaran, hindi lamang para sa mga kababaihan, kundi para sa lahat kung paano natin dapat sundin, magtiwala at tanggapin sa ating mga puso ang kalooban ng Diyos. Si Jose naman, ang gabay ng mga Ama, kung paano nararapat maging matuwid, protektahan, gabayan at itaguyod ang kanilang pamilya. Sa araw na ito, itaas natin sa Banal na Pamilya ang lahat ng anumang alalahanin, takot, at pag-aalinlangan, na nananahan sa puso natin.
© Copyright Pang Araw-araw 2024