Ebanghelyo: Mateo 2:13-18
Pagkaalis ng mga pantas, napakita kay Jose ang Anghel ng Panginoon sa panaginip at sinabi: “Bumangon ka, dalhin ang sanggol at ang kanyang ina at tumakas pa-Ehipto. Manatili ka roon hanggang sa tawagin ko kayo. Hahanapin nga ni Herodes ang sanggol para patayin.” Bumangon si Jose, at nang gabi ring iyo’y dinala ang sanggol at ang ina nito pa-Ehipto. Doon sila nanirahan hanggang mamatay si Herodes. Sa ganito natupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Tinawag ko ang aking anak mula sa Ehipto.” Nagalit naman si Herodes nang malaman nito na napaglalangan siya ng mga pantas. Kaya iniutos niyang patayin ang lahat ng batang lalaki sa Betlehem at mga karatig nito, mga batang may dalawang taong gulang pababa, batay sa panahon ng pagsikat ng tala ayon sa mga pantas. Kaya nagkatotoo ang sinabi ni Propeta Jeremias: “Narinig sa Rama ang pagtangis, iyakan at malakas na panaghuyan: iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak at ayaw paaliw pagkat wala na sila.”
Pagninilay
Dahil sa takot, iniutos ni Herodes ang pagpatay sa mga bata. Natakot siyang maagaw ang kanyang paghahari. Dahil hindi niya alam kung nasaan ang batang Jesus, ipinapatay niya ang lahat ng mga batang dalawang taon pababa. Sa panahon ngayon, marami pa ring mga inosenteng batang pinapatay sa abortion dahil sa takot at kawalang kakayahan magtaguyod ng res ponsibilidad. Maraming mga bata ang namamatay sa ka gutuman dahil sa kasakiman ng mga taong hindi nais magbahagi sa kanilang mga yaman. Maraming mga bata ang pinapatay ang mga pangarap at kinabukasan dahil sa pagtutulak sa kanila sa prostitusyon at child trafficking, at sa mga bisyo lalo na ang droga. Marami pa rin ang mga Herodes panahon natin na natatakot maagawan. Ang mga bata ay larawan sa mahalagang biyaya ng buhay. Tuldukan natin ang mga Herodes sa ating puso at lipunan at arugain natin ang mga bata sa ating paligid upang mabigyan sila ng pag-asa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023