Ebanghelyo: Juan 20:1a at 2-8
Ngayon, pagkatapos ng Araw ng Pahinga, habang madilim pa, maagang pumunta sa libingan si Maria Magdalena, nang makita niyang tanggal ang bato mula sa libingan, patakbo siyang pumunta kay Simon Pedro at sa isa pang alagad na mahal ni Jesus. Sinabi niya sa kanila: “May kumuha sa Panginoon mula sa libingan, at hindi namin alam kung saan nila siya inilagay.” Kaya lumabas si Pedro at ang isa pang alagad, at pumunta sa libi ngan. Sabay na tumakbo ang dalawa. Ngunit mas mabilis tumakbo kay Pedro ang isa pang alagad, at unang nakarating sa libingan. Pagkayuko niya’y nakita niyang nakalatag ang mga telang linen pero hindi siya pumasok. Dumating namang kasunod niya si Simon Pedro, at pumasok sa libi ngan. Napansin niya ang mga telang linen na nakalatag, at ang panyo namang nakatalukbong sa ulo niya ay di kasama sa mga telang linen na nakalatag kundi hiwalay na nakabilot sa mismong lugar nito. Pumasok noon ang isa pang alagad, ang unang nakarating sa libingan, at nakita niya at siya’y naniwala.
Pagninilay
Sa tradisyon ng ating pananampalataya, kinikilala si San Juan na Apostol at Ebanghelista na minamahal na alagad ni Jesus. Bibihira ang mga pagkakataong nagsalita si Juan sa kabuuang kwento nang Ebanghelyo, ngunit nasa kanya ang mga mahalagang panahon sa buhay ni Jesus. Nasaksihan niya ang pagpapagaling sa mga may sakit at ang pagbabago ng katauhan ni Jesus sa bundok ng Tabor. Naroon din siya sa paanan ng krus at ipinagkatiwala ni Jesus sa kanya ang Kanyang ina. Sa Ebanghelyo ngayon, narito lang din siya ngunit naniwala agad sa pagkabuhay muli ni Jesus. Dahil sa kanyang pagiging malapit kay Jesus, kahit pa hindi niya nalalaman ang pagkabuhay muli sa katawan ni Jesus, naniwala agad siya. Para sa ating nananalig kay Jesus, tulad ni San Juan, dapat na ating palalimin ang ating pananampalataya. Pagnilayan natin ang mga paggalaw ng Panginoon sa ating buhay at tayo’y maging malapit sa Kanyang mga salita at gawa.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023