Ebanghelyo: Lucas 1:46-56
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga balewala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walang-wala ang maya yaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa sa ipina ngako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan mag pakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Ang mga awitan kadalasan ay sumasalamin sa karanasan ng buhay o sa pamayanan, o sa kultura ng lumikha sa mga salita nito. Ang magnificat o awit ni Maria ay nagpapamalas ng kanyang lubos na kagalakan mula sa kanyang karanasan sa galaw ng Diyos sa kanyang buhay, at sa kanilang kasaysayan bilang hinirang ng Diyos. Alam ni Maria na ang Panginoon ay tapat sa kanyang mga pangako at parating kasama nila sa paglalakbay. Kung tayo’y aawit para sa Panginoon, ano kaya ang mga salitang mamumutawi sa atin? Tulad ni Maria, balikan natin ang paglalakbay natin sa buhay. Tingnan at pagnilayan natin ang galaw ng Panginoon sa buhay at sa mga karanasan natin. Tulad ni Maria, ang buhay natin nawa’y maging awit sa pagpapahayag ng pasasalamat sa Panginoong mahabagin, na kapiling natin at nananatili nating gabay sa paglalakbay sa buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2023