Ebanghelyo: Lucas 1:46-56
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas dahil isinaalang-alang niya ang abang utusan niya, at mula ngayon, ituturing akong mapalad ng lahat ng salinlahi. Dakila nga ang ginawa sa akin ng Makapangyarihan, banal ang kanyang Pangalan. Patuloy ang kanyang awa sa mga sali’t salinlahi para sa mga may pitagan sa kanya. Ipinakita niya ang lakas ng kanyang bisig, ipinagtabuyan ang mga taong may mapagmataas na balak. Pinatalsik niya sa luklukan ang mga makapangyarihan, itinampok naman ang mga bale-wala. Binusog niya ng mabubuting bagay ang mga nagugutom at itinaboy namang walangwala ang mayayaman. Nilingap niya ang Israel na kanyang lingkod, inalaala ang kanyang awa ayon sa ipinangako niya sa ating mga ninuno, kay Abraham at sa kanyang angkan magpakailanman.” Mga tatlong buwang nanatili si Mariang kasama ni Elizabeth at saka nagbalik sa kanyang bahay.
Pagninilay
Mula ngayon tatawagin ako ng lahat na mapalad.” Kung babasahin natin ang awit ni Maria, tila ito’y hindi aakma sa kanyang imahe na banayad, mahinhin at hindi nagagalit. Ngunit makakatulong ito sa atin na makilala ang totoong imahen ni Maria, ang babaeng nagdalang-tao kay Jesus gawa ng Espiritu Santo. Matapang na sinabi niya ang hustisya na dadalhin ng Diyos sa kapanganakan ng kanyang Anak. Ang Diyos na kanyang nakilala ay isang Banal na Diyos, na laban sa mapagmataas, mabagsik sa mga abusadong makapangyarihan, pumupuno sa mga nagugutom ng magagandang bagay at iba pa. Ipinangangaral na ni Maria ang katotohanan tungkol sa Diyos. Sa darating na panahon, sa pagpapahayag ni Jesus, ito ang magiging batayan ng kanyang misyon na ipakilala ang Diyos sa mga tao nang may hustisya, kapayapaan at pag-ibig.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021