Ebanghelyo: Lc 1: 39-45
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Pagninilay
Pamilyar sa ating mga Katoliko ang mga eksena sa ebanghelyo. Dito nagmula ang panalangin sa Aba Ginoong Maria at tumutukoy din sa Ikalawang Mistyeryo ng Santo Rosaryo (Ang Pagdalaw ni Maria kay Elizabeth). Nakakarelate din naman tayo sa ginawa ng Mahal na Birhen para sa kanyang pinsan na si Elizabeth. Bahagi ng kultura natin bilang Pilipino ang pagdalaw sa mga kapamilya nating maysakit o iniindang karamdaman, o kaya naman ay nangangailangan ng tulong sa kanilang tahanan o sa ospital man ito. Ito ay tanda ng pakikiramay at pagbibigay natin ng pagkakataong manatiling nakikipagugnayan sa kapamilya. Ito’y pagkakataon ding magpahayag ng mga emosyon at magbahagi ng mga karanasan. Higit sa lahat, maaari tayong magsaya sa oras na magkasama. Ang mga pagdalaw sa kapamilya o kaibigan ay nakakatulong na tiyakin na siya ay mahalaga sa atin.
© Copyright Pang Araw-araw 2024