Ebanghelyo: Lucas 1:39-45
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan.
Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
Pagninilay
Noong nabubuhay pa si lola, pumupunta siya sa amin sa tuwing malapit nang manganak si Mama. Nananatili siya ng hanggang ilang buwan pagkatapos ng panganganak. Siya ang nagaasikaso ng mga gawaing bahay, kasama na ang paglalaba ng lampin ng sanggol ganun din ng aming mga damit.
Ito rin marahil ang layunin ni Maria sa kanyang pagdalaw kay Elizabeth. Aalalayan niya si Elizabeth sa kanyang mga gawain habang papalapit ang pagsilang niya. Tingnan mo nga naman, Ina ng Diyos na naglilingkod sa kanyang pinsan!
Malayo sa gawi ng ilan na sa sandali na siya ay mabigyan ng isang karangalan o mataas na posisyon ay nagbabago na ang pagtingin sa sarili at sa kapwa. “Hindi mo ba ako kilala? Dapat kilala mo ako!” Yan ang pananalita ng isang ang tingin sa sarili ay napakataas at inaasahan na kilala siya ng lahat. Hindi ganyan si Maria. Kilala niya kung sino siya. Alam din ni Elizabeth and karangalang tinanggap ni Maria. Sa lahat ng ito, si Maria ay naging isang mababang tagapaglingkod ni Elizabeth. Yan ang Ina ng Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022