Ebanghelyo: Lc 1: 26-38
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito.
At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng kanyang ninunong si David. Maghahari siya sa angkan ni Jacob magpakailanman; talaga ngang walang katapusan ang kanyang paghahari.” Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” At sumagot sa kanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Espiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataas-taasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos. At nagdalantao naman ngayon ang pinsan mong si Elizabeth sa kabila ng kanyang katandaan, at siyang itinuturing na baog ay nasa ikaanim na buwan na. Wala ngang imposible sa Diyos.” Sinabi naman ni Maria: “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” At nilisan siya ng anghel.
Pagninilay
Sa ebanghelyo ni Lucas, dalawang kwento ng pagdadalang-tao ang ating nabasa na ibinalita ni Anghel Gabriel: una ang pagdadalang-tao kay Juan ni Elizabeth na asawa ni Zacarias at pagdadalang-tao ni Maria kay Jesus. Bagamat ang tugon ni Zacarias ay pagtanggap sa mabuting balita, tila may bahid naman ng pag-aalinlangan. Si Maria, bagamat nakaramdam ng pagkalito sa nakakabagabag na balita, “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?”; ito naman ay tinugon niya nang may pagpapakumbaba at katapatan sa huli, “Narito ang utusan ng Panginoon, mangyari nawa sa akin ang iyong sinabi.” Madalas tulad din tayo ni Zacarias, hindi buo ang pananalig natin at may pagaalinlangan sa mga plano ng Diyos. Si Maria naman ay nagbigay sa atin nang isang perpektong halimbawa kung paano tayo dapat tumugon sa mga plano ng Diyos. Wika ni Papa Francisco, “ang saloobin ni Maria na ‘narito ang utusan ng Panginoon’ ay ‘ganap na tumutugma sa Anak ng Diyos sa kanyang pagdating sa mundo: nais niyang maging Lingkod ng Panginoon, inilalagay ang kanyang sarili sa paglilingkod sa sangkatauhan upang matupad ang plano ng Diyos.”
© Copyright Pang Araw-araw 2024