Ebanghelyo: Lc 1: 5-25*
(…)Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat, nagpalabunutan sila ayon sa kaugalian ng kaparian at siya ang napiling pumasok sa santuwaryo ng Panginoon para magsunog ng insenso. Kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nananalangin ang buong bayan sa labas, napakita sa kanya ang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing kanan ng altar ng insenso. Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito. Ngunit sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. Magiging ligaya at tuwa mo siya, at marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang. Magiging dakila nga siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak ng ubas o ng butil at mapupuspos siya ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng kanyang ina. Panunumbalikin niya ang maraming anak ng Israel sa Panginoong kanilang Diyos. Mangunguna siya sa Panginoon taglay ang diwa at kapangyarihan ni Elias para papagkasunduin ang mga magulang at mga anak, at ibalik ang mga masuwayin sa pag-unawang bagay sa mga makatarungan upang maihanda ang isang bayang angkop sa Panginoon.” Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel at sinabi sa kanya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa iyo para kausapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.” (…)
Pagninilay
Ang ebanghelyo kahapon at ngayon ay may tema nang kahalagahan ng pananalig at pagsalig sa kalooban ng Diyos. Ano nga ba ang madalas nating dahilan upang huwag sumampalataya sa Diyos? Una, nanaig sa atin ang takot at pangamba. Sabi nga sa isang awit, “Be not afraid, I go before you always.” Bakit tayo matatakot kung kasama at laging nasa piling natin ang Diyos. Pangalawa, limitado ang ating pang-unawa at mas umaasa tayo sa sarili nating kakayahan. Nakakalimutan natin, “that God is wiser than the wisest man.” Minsan, ang kailangan natin ay isang lukso ng pananampalataya na manalig at hayaan ang kamay ng Diyos na siyang gumalaw sa ating buhay. Pero sa kabila ng mga kakulangan natin ng pananampalataya, sinasagot pa rin ng Diyos ang ating mga panalangin at tinutugon ang ating mga kahilingan. Inaalis ng Diyos ang ating mga kahihiyan at kasiraan. Bilang Kristiyano, paano natin tinatanggap ang mga grasya na nagmumula sa Diyos. Inuunahan ba tayo ng takot at pinagdududahan ito, o tinatanggap natin ito ng buong puso kalakip ang matinding pananalig?
© Copyright Pang Araw-araw 2024