Ebanghelyo: Lucas 1:5-25
Sa kapanahunan ni Herodes na hari ng Judea, may isang paring nagngangalang Zacarias, mula sa pangkat ni Abias. Mula rin sa lahi ni Aaron ang kanyang asawa na Elizabeth ang pangalan. Kapwa sila matuwid sa harap ng Diyos at namumuhay nang walang kapintasan ayon sa lahat ng batas at kautusan ng Panginoon. Ngunit wala silang anak dahil baog si Elizabeth at kapwa matanda na sila.
Minsan, habang naglilingkod si Zacarias sa harap ng Diyos nang turno pa ng kanyang pangkat, nagpalabunutan sila ayon sa kaugalian ng kaparian at siya ang napiling pumasok sa santuwaryo ng Panginoon para magsunog ng insenso. Kaya sa oras ng pag-aalay ng insenso habang nananalangin ang buong bayan sa labas, napakita sa kanya ang anghel ng Panginoon, nakatayo sa gawing ka-nan ng altar ng insenso. Naligalig si Zacarias at sinidlan ng takot pagkakita rito.
Ngunit sinabi sa kanya ng anghel: “Huwag kang matakot, Zacarias; dininig na ang iyong panalangin. Ipanganganak sa iyo ng asawa mong si Elizabeth ang isang anak na lalaki, at pangangalanan mo siyang Juan. Magiging ligaya at tuwa mo siya, at marami rin ang magagalak dahil sa kanyang pagsilang. Magiging dakila nga siya sa harap ng Panginoon. Hindi siya iinom ng alak ng ubas o ng butil at mapupuspos siya ng Espiritu Santo mula sa sinapupunan ng kanyang ina. Panunumbalikin niya ang maraming anak ng Israel sa Panginoong kanilang Diyos. Mangunguna siya sa Panginoon taglay ang diwa at kapangyarihan ni Elias para papagkasunduin ang mga magulang at mga anak, at ibalik ang mga masuwayin sa pag-unawang bagay sa mga makatarungan upang maihanda ang isang bayang angkop sa Panginoon.”
Sinabi naman ni Zacarias sa anghel: “Paano ko ito matitiyak? Matanda na nga ako at may katandaan na rin ang aking asawa.” Sumagot ang anghel at sinabi sa kanya: “Ako si Gabriel na nasa harap ng Diyos. Ako ang sinugo sa iyo para kausapin ka’t ihatid ang magandang balitang ito. Matutupad sa takdang panahon ang aking mga salita; ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.”
Naghihintay naman kay Zacarias ang bayan at nagtataka sa pagtatagal niya sa loob ng santuwaryo. Nang lumabas siya, hindi na siya makapagsalita kaya nalaman nilang nakakita siya ng isang pangitain sa loob ng santuwaryo. Sumesenyas na lamang siya sa kanila at nanatiling pipi.
Nang matapos na ang panahon ng kanyang paglilingkod, umuwi si Zacarias. At pagkaraan ng mga araw, nagdalantao ang asawa niyang si Elizabeth ngunit limang buwan itong di lumabas ng bahay at sinabi: “Ito’y gawa ng Panginoon! Ipinasya niyang alisin ang kahihiyan ko sa paningin ng mga tao.”
Pagninilay
May pagtatanong na humihingi ng paliwanag. May pagtatanong naman na tanda ng kawalan ng pananalig o pananampalataya. “Paano ko ito matitiyak?” tanong ni Zacarias. Sabi ni Gabriel, “ngunit ikaw na di naniniwala ay magiging pipi at di makapagsasalita hanggang sa araw na mangyari ang mga ito.”
Si Jesus, sa Kanyang pangangaral ay marami ang pinagaling. Sabi ni Jesus, “Pinagaling ka ng iyong pananalig.” Mayroon din namang mga tao na walang pananalig kay Jesus, kaya hindi Siya gumawa ng himala sa kanila.
Napakahalaga ng pananampalataya o paniniwala sa buhay ng isang Kristiyano. Ito ang susi upang ang pag-ibig ng Diyos ay maranasan. Ito ang magbubukas ng daluyan ng grasya. Sa gayon makikita ang kapangyarihan ng Diyos na higit sa kaninumang tao, gaano man siya katalino o kagaling. Sa pagsampalataya tinatanggal natin ang anumang balakid na humahadlang para maranasan natin ang pagkilos ng Diyos. Alam Niya kung ano ang pinakamabuti para sa atin at gagawin Niya ito sa kabila ng ating pagiging hindi karapat-dapat. Salamat sa Diyos!
© Copyright Pang Araw-Araw 2022