Ebanghelyo: Mateo 1:18-24
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo.
Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya.
Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.”
Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasa-atin-ang-Diyos.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa.
Pagninilay
“Bakit nagkaganun?” Maaaring ito ang biglang tanong ni Jose sa sarili noong malaman niyang si Maria na nakatakda nang ikasal sa kanya ay nagdadalang-tao na. Kilala niya si Maria at tiyak na hindi siya nito pagtataksilan. Mahal na mahal niya si Maria at alam niya na mahal din siya nito. “Pero, bakit nagkaganun?”
Siyempre nalaman din ni Jose ang tunay na dahilan. Ipinaliwanag ito sa kanya ng anghel. Kaya maaaring napatanong uli si Jose, “Talaga? Ganun?” At ang matinding panlulumo ay napalitan ng mas malalim na paghanga niya kay Maria. Lalo pa niya itong minahal. Ganun na lamang ang kanyang pasasalamat sa Diyos dahil ginawa siyang kabahagi ng dakilang plano ng Diyos na iligtas ang tao sa kanilang mga kasalanan.
“Panginoon, bakit po?” Maaaring may mga pagkakataon na naitatanong din natin ito sa Diyos. Hindi natin matanggap ang takbo ng mga bagay. Hindi natin maunawaan. “Bakit ako?”
Hindi lang naman tayo ang nagtatanong. Mayroon pa bang hihigit sa tanong ni Jesus, ang Ikalawang Persona ng Banal na Santatlo na naging tao noong Siya ay nakapako sa krus? “Diyos ko, Diyos ko, bakit mo ako pinabayaan?”
Hindi masama na magtanong. Bilang tao hindi natin alam ang lahat. Sino pa ang dapat tanungin kundi ang Diyos? Ang pagtatanong ay pagtitiwala na alam ng Diyos ang lahat. Ito ay pagtitiwala na liliwanagan tayo ng Diyos. Ito ay pagtitiwala na kahit tayo ay nagtatanong hindi magagalit ang Diyos. “Panginoon, bakit po?” ay tanong ng isang nilikha sa kanyang Maylikha.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022