Ebanghelyo: Mateo 1:18-25
Ganito ipinanganak si Jesucristo. Ipinagkasundo na kay Jose ang kanyang inang si Maria pero bago sila nagsama bilang mag-asawa, nagdadalantao na siya gawa ng Espiritu Santo. Kaya binalak ni Jose na hiwalayan nang lihim ang kanyang asawa. Matuwid nga siya at ayaw niya itong mapahiya. Habang iniisip-isip niya ito, napakita sa kanya sa panaginip ang Anghel ng Panginoon at sinabi: “Jose, anak ni David, huwag kang matakot na tanggapin si Maria bilang iyong asawa. Gawa ng Espiritu Santo kaya siya naglihi, at manganganak siya ng isang sanggol na lalaki, na pangangalanan mong Jesus sapagkat siya ang magliligtas sa kanyang sambayanan mula sa kanilang mga kasalanan.” Nangyari ang lahat ng ito para matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng Propeta: “Maglilihi ang birhen at magsisilang ng isang sanggol na lalaki at tatawagin nila siyang Emmanuel na ibig sabihi’y Nasaatin- ang-Diyos.” Kaya pagkagising ni Jose, ginawa niya ang sinabi ng Anghel ng Panginoon at tinanggap niya ang kanyang asawa. Ngunit hindi sila nagtalik bago isilang ang sanggol. At pinangalanan niya itong Jesus.
Pagninilay
Mahalaga ang papel na ginampanan ni San Jose sa kasaysayan ng ating kaligtasan. Nakasasalalay sa kanya noon ang buhay ni Maria na nagdadalang-tao sa dakilang Manunubos na si Jesus. Sa pananampalataya ni Jose, pinamalas sa atin kung paano tayo nararapat tumugon sa tawag na maniwala sa misteryo na ibinubunyag sa atin ng Diyos. Tayo’y tinatawagan na magtiwala sa Diyos na may planong nakalaan sa bawat isa sa atin upang ang kanyang kaharian ay patuloy na masilayan sa buong sangkatauhan dito at ngayon. Nawa’y magsilbing inspirasyon sa atin si San Jose na gampanan ang ating misyon sa kabila ng maraming mga pagsubok na ating hinaharap sa daan ng buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020