Ebanghelyo: Mt 21: 23-27
Pagpasok ni Jesus sa Templo, lumapit sa kanya ang mga punong-pari, mga guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, at nagtanong: “Ano ang karapatan mong gawin ang mga ito? Sino ang nagtalaga sa iyo?“ Sinagot sila ni Jesus: “Tatanungin ko rin kayo ng isang tanong. At kung may sagot kayo, sasagutin ko kayo kung sino ang nagtalaga sa akin para sa mga ito. Saan galing ang pagbibinyag ni Juan, sa Diyos ba o sa tao?“ At nag-isip-isip sila: “Kung isasagot nating galing sa Diyos, sasabihin niya: ‘Bakit di kayo naniwala sa kanya?’ At kung sasabihin naman nating ‘Galing lamang sa tao ang pagbibinyag ni Juan,’ dapat tayong matakot sa bayan sapagkat akala nila’y tunay na propeta si Juan.“ Kaya sinabi nila kay Jesus: “Hindi namin alam.“ At sinabi sa kanila ni Jesus: “Hindi ko rin sasabihin sa inyo kung sino ang nagtalaga sa akin na gumawa ng mga ito.“
Pagninilay
Sa ebanghelyo, tila ayaw tantanan ng mga punong-pari, guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio si Jesus. Pilit nilang tinatanong kung saan nagmumula ang awtoridad o karapatan ni Jesus. Nais nilang siluin si Jesus sa kanyang magiging tugon sa kanila. Kaya naman ibinalik ni Jesus ang tanong sa kanila at sila naman ngayon ang natahimik at di makasagot. Ang inggit at kapalaluan ay tunay na bumubulag sa atin sa katotohan. Katulad ng mga punongpari, guro ng Batas at mga Matatanda ng mga Judio, mas pinili nilang maging bulag at hindi makita ang katotohanan na si Jesus ang Bugtong na Anak ng Diyos. Huwag tayong tumulad sa kanila na nagbulag-bulagan at nagbingi-bingihan sa katotohanan. Gayundin, huwag nating hangarin na magkamali ang ating kapwa at pagkatapos ay gamitin ito laban sa kanya. Sa pagsisimula nang nobena para sa Kapanganakan ni Jesus o Simbang Gabi, gamitin natin ang mga panahong ito upang pagnilayan at tanggapin sa ating mga puso ang katotohanan at kaligtasang kaloob ni Jesukristo.
© Copyright Pandesal 2024