Ebanghelyo: Lc 3: 10-18
Tinatanong siya ng maraming tao: “Ano ngayon ang aming gagawin?“ Sumagot si Juan sa kanila: “Ang may dalawang balabal ay magbigay sa taong wala, at gayon din ang gawin ng may pagkain.“ Pinuntahan siya pati ng mga maniningil ng buwis para magpabinyag at sinabi sa kanya: “Guro, ano ang aming gagawin?“ At sinabi ni Juan: “Huwag kayong maningil ng higit sa ipinag-uutos sa inyo.“ Nagtanong din sa kanya ang mga sundalo: “Ano naman ang gagawin namin?“ At sinabi niya sa kanila: “Huwag kayong mangikil o magparatang nang di totoo kanino man; masiyahan na kayo sa inyong suweldo.“ Nananabik noon ang mga tao at nag-isip-isip ang lahat kung hindi nga kaya si Juan ang Mesiyas. At sumagot si Juan sa pagsasabi sa kanilang lahat: “Nagbibinyag ako sa inyo sa tubig pero dumarating na ang isang mas makapangyarihan sa akin. Ni hindi ako karapatdapat magkalag ng tali ng kanyang mga panyapak. Sa Espiritu Santo at apoy niya kayo bibinyagan. Siya ang nakahandang magtahip sa lahat ng butil ng trigo. Iipunin niya ang lahat ng butil sa kanyang kamalig pero susunugin ang mga ipa sa apoy na walang hanggan.“ Sa pamamagitan nito at sa iba pang pangangaral nagturo si Juan sa bayan.
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ipinaliwanag ni Juan ang kahalagan ng paggawa ng kabutihan, pagiging makatarungan at makatuwirang pakikitungo sa kapwa. Sa pagtanggap natin sa Mesiyas, kailangang nating magbagongbuhay at talikuran ang mga nakasanayang maling gawi na hindi kalugod-lugod sa Panginoon. “Huwag maningil ng higit sa ipinag-uutos sa inyo. Huwag kayong mangikil o magparatang ng di totoo.” Ang mga paalalang ito ni Juan ay makabuluhan pa rin hanggang ngayon. Sa mga ahensya ng ating gobyerno at maging sa pribadong opisina ay talamak pa rin ang korapsyon. Ang mga taong inaasahan nating magtatanggol at maglilingkod sa bayan ay ang siya pang nauunang mang-abuso sa kanilang mga nasasakupan. Nakakalimutan na natin kung ano ang mas mahalaga sa buhay. Gayundin naman, maliwanag kay Juan Bautista na hindi siya ang Mesiyas na kanilang hinihintay: “Nagbibinyag ako sa inyo sa tubig pero dumarating na ang isang mas makapangyarihan sa akin.” Si Jesus ang katuparan ng mga pangako ng Diyos. Manalig at tanggapin natin si Jesus sa ating buhay.
© Copyright Pandesal 2024