Ebanghelyo: Lucas 7:24-30
Nang makaalis na ang mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas-hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Nasa mga palasyo nga ang mga taong magagara ang bihis at napakasarap ang pagkain. Ano nga ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Tama. At sinasabi ko sa inyo na higit pa sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: ‘Pinauna ko sa iyo ang aking sugo upang ihanda ang daan sa harap mo.’
Sinasabi kong wala nang hihigit pa kay Juan sa lahat ng mga anak ng babae pero higit pa sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Diyos.”
(Tumanggap na ng binyag ni Juan ang lahat ng taong nakaririnig kay Jesus pati na ang mga publikano, at kinikilala nila ang Diyos. Hinadlangan naman ng mga Pariseo at mga guro ng Batas ang kalooban ng Diyos sa di nila pagpapabinyag kay Juan.)
Pagninilay
Kinilala ni Jesus ang ginampanan ni Juan Bautista sa kanyang pagpapahayag ng pagdating ng Paghahari ng Diyos. Binanggit ni Jesus ang Banal na Kasulatan: “Pinauna ko sa iyo ang aking sugo upang ihanda ang daan sa harap mo.”
Patuloy magpahanggang ngayon ang pagtataguyod ng paghahari ng Diyos. Tapos na ang naging gampanin ni Juan Bautista. Pero ang pagpapahayag ng Mabuting Balita ay kailangang maisagawa pa rin. Maraming uri ng pangangaral. May sa pamamagitan ng salita at may sa pamamagitan ng gawa. Ang pinakamabisang paraan ay kung ang nangangaral ay nagbibigay kasabay nito ng mabuting halimbawa. Sa ganitong paraan ang mga nakikinig ay nagkakaroon ng patunay na pwede nga pala na gawin ito. Bukod rito, nakikita rin ng mga nakikinig na nagbibigay ng kahulugan sa buhay at kaligayahan ang pagsunod sa kalooban ng Diyos. Kaya ang nangangaral ay nagiging katulad ni Jesus at ni Juan Bautista. Ang bawat isa ay may kanyang gawain ayon sa kalagayan niya sa pamilya at lipunan. Ikaw din ay mayroon. Gawin mo ang iyong parte.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022