Ebanghelyo: Mt 17: 9a, 10-13
At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain. Tinanong naman siya ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” At sumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At sa gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
Maraming palatandaan na ang dumating at namalas ng mga Hudyo, subalit ang mga ito ay hindi nila nakita. Inaasahan ng mga Hudyo na darating si Elias para ipahayag ang pagdating ng Mesiyas. Ngunit dumating na nga si Juan upang ihanda ang daraanan ng Panginoon. Gayun pa man, hindi sila nakinig at tinuligsa pa nila si Juan. Sa panahon ngayon, marami rin ang ipinadadalang tanda para tayo’y magbalikloob sa Diyos at tanggapin natin si Jesus bilang ang Mesiyas. Pero ayaw nating tingnan ang mga tandang ito, Pinipili nating maging bulag ang mga puso natin na tanggapin ang katotohanan at pag-ibig na inaalok sa atin ng Diyos. Ipanalangin natin na nawa’y mabuksan ang mga mata ng ating puso upang tanggapin natin si Jesus sa ating buhay.
© Copyright Pandesal 2024