Ebanghelyo: Lucas 7:18b-23
Ibinalita ng mga alagad ni Juan ang lahat ng ito sa kanya kaya tinawag ni Juan ang dalawa sa kanyang mga alagad at sinugo sila sa Panginoon para sabihin sa kanya: “Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?” Pagdating ng mga taong iyon kay Jesus, sinabi nila: “Ipinasasabi sa iyo ni Juan Bautista: Ikaw na ba ang Dumarating o maghihintay pa kami ng iba?”
Nang mga sandali namang iyo’y marami siyang pinagaling sa mga sakit, mga karamdaman at masasamang espiritu, at binigyan niya ng paningin ang mga bulag. Kaya sumagot siya sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong nakita at narinig: nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga ketongin at nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay, may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At napakapalad niyang hindi natitisod dahil sa akin.”
Pagninilay
pinatatanong ni Juan Bautista kay Jesus kung Siya na ang hinihintay na Mesiyas. Bilang tugon, binanggit ni Jesus ang mga ginagawa Niya. Ang mga nagaganap ay tanda na kumikilos ang Diyos sa pamamagitan ni Jesus at ang mga tao naman ay nagtatamasa ng pagpapala at kagandahang-loob ng Diyos.
Maaaring pagkarinig ni Juan Bautista sa tugon ni Jesus, siya ay lubos na nagalak. Natupad din ang kanyang misyon. Siya ang naghanda para sa pagdating ni Jesus, ang Mesiyas, sa pamamagitan ng kanyang pangangaral na ang mga tao ay magsisi sa kanilang mga kasalanan at magbagong-buhay. Ngayon siya ay nakabilanggo at wala na siyang magagawa. Tama ang sinabi niya, panahon na para si Jesus ay maging dakila at siya naman ay maging mababa (Juan 3:30).
Ang pagkabilanggo ni Juan Bautista ay inspirasyon para kay Jesus na magpatuloy sa Kanyang pangangaral. Maaaring naiisip din Niya na kung ito ay nangyari kay Juan Bautista hindi malayo na Siya ay pasasailalim din sa kapangyarihan ni Herodes at pahihirapan siya. Ang mahalaga, alam ng bawat isa na ginagawa lamang nila ang misyon na iniatang ng Diyos Ama sa kanila.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022