Ebanghelyo: Mt 11: 16-19
Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, mapatutunayang tama ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
Pagninilay
Sa ebanghelyo, ang mga tao ay nanatiling bingi na pakinggan si Juan Bautista at hindi rin naman nila tinaggap si Jesus bilang Mesiyas, ang Tagapagligtas. Sa halip, tinawag pa nila sila Juan at Jesus na inaalihan ng demonyo, lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan. Madalas ganito rin tayo, tinutuligsa natin ang ibang tao na sa palagay natin ay naiiba sa atin o di kaya’y hindi umaayon sa ating gawi ang kanilang iniisip at ikinikilos. Sabi nga, mas madaling hanapin ang kaibahan o pagkakamali ng iba kaysa tumingin tayo sa ating mga sariling pagkukulang. Sa kabilang banda, tayo mismo ang nakararanas ng pangtutuligsa mula sa iba kapag pinipilit natin gumawa ng kabutihan at magbago. Pakitang tao lang yan, hindi naman magtatagal balik na uli yan sa dating gawi. Huwag tayong maging mapanghusga sa kapwa. Ang mabubuting gawa ng kapwa natin at ating mismong gawa ang siyang magsasalita para sa atin.
© Copyright Pandesal 2024