Ebanghelyo: Mateo 21:28-32
Nagpatuloy si Jesus: “Ano sa palagay ninyo? May dalawang anak ang isang tao. Lumapit siya sa isa at sinabi: ‘Anak, pumunta ka ngayon at magtrabaho sa aking ubasan.’ Sumagot ang anak: ‘Ayoko.’ Ngunit pagkatapos ay nagbagong-isip siya at pumunta. Pinuntahan din ng ama ang pangalawang anak at gayundin ang sinabi. Sumagot naman ang anak: ‘Opo.’ Pero hindi siya pumunta.”
At itinanong ni Jesus: “Sino sa dalawang anak ang tumupad sa gusto ng ama?” Sumagot sila: “Ang una.” At sinabi ni Jesus: “Talagang sinasabi ko sa inyo: mas nauuna sa inyo patungo sa kaharian ng Langit ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Dumating nga si Juan para ipakita sa inyo ang daan ng kabutihan pero hindi kayo naniwala sa kanya, samantalang naniwala naman ang mga publikano at mga babaeng bayaran. Nakita ninyo ito at hindi kayo nagsisi o naniwala sa kanya.
Pagninilay
Ang naghihiwalay ng tao sa hayop ay ang kakayahan na gumawa ng malayang desisyon. Pwedeng magbago ng isip kaya pwede ring magbago ng pagkilos. Ang kakayahan na magdesisyon nang malaya ay kaloob ng Diyos sa tao. Dito rin nanggagaling ang pagiging marangal o hindi. Sa Ebanghelyo tinutukoy ang mga publikano at mga babaing bayaran. Sa mata ng iba sila ay makasalanan. Totoo na mali ang pagiging tuta ng mga Romano at pagbebenta ng aliw. Pero hindi sila dapat ikahon sa ganitong kalagayan. Mayroon din silang kakayahan na magbago. At mayroon ngang nagbago ayon na rin sa karanasan ni Jesus.
Ang mga nagpapakilala naman na sila ay mabubuting tao ay may panganib din na sila ay magbago ng isip at gumawa ng masama. Kaya walang sinuman na dapat magmalaki hangga’t buhay. Sa dalawang ito ang biyaya ng Diyos ay laging nariyan. Para sa mga nagpapakilala na sila ay mabuti, ang biyaya ng Diyos ang tutulong sa kanila na manatili sa buhay na marangal at sumusunod sa Diyos. Para sa mga namumuhay sa pagkakasala, nariyan ang biyaya ng Diyos upang tulungan sila na magsisi at magbagong-buhay.
Sa dalawang ito kailangan lagi ang malayang pagpapasiya na mamuhay ayon sa kalooban ng Diyos.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022