Ebanghelyo: Lc 1: 26-38* (o Lc 1: 39-47)
Sa ikanim na buwan, isinugo ng Diyos ang Anghel Gabriel sa isang bayan ng Galilea na tinatawag na Nazaret. Sinugo ito sa isang birhen na ipinagkasundo na sa isang lalaking nagngangalang Jose mula sa sambahayan ni David; at Maria naman ang pangalan ng birhen. Pumasok ang anghel at sinabi sa kanya: “Matuwa ka, O puspos ng grasya, sumasaiyo ang Panginoon.” Nabagabag naman si Maria dahil sa pananalitang ito at pinagwari kung ano ang pagbating ito. At sinabi ng anghel sa kanya: “Huwag kang matakot, Maria, dahil may magandang niloloob ang Diyos para sa iyo. At ngayo’y maglilihi ka at manganganak ng isang lalaki na pangangalanan mong Jesus. Magiging dakila siya at tatawagin siyang Anak ng Kataas-taasan, at ibibigay sa kanya ng Panginoong Diyos ang trono ng
kanyang ninunong si David. (…) Sinabi ni Maria sa anghel: “Paanong mangyayari ito gayong di ako ginagalaw ng lalaki?” at sumagot sakanya ang anghel: “Papanaog sa iyo ang Epiritu Santo at lililiman ka ng kapangyarihan ng Kataastaasan kaya magiging banal ang isisilang at tatawaging Anak ng Diyos.
Pagninilay
Ang Mahal na Birhen ng Guadalupe ay isa sa mga kilalang titulo ng Mahal na Birheng Maria. Sa kwento, ang Mahal na Birhen ay nagpakita ng apat na beses sa isang Mehikano, si San Juan Diego. Sa nasabing aparisyon, pinakilala ni Maria ang kanyang sarili bilang “ang Ina ng Tunay na Diyos.” Humiling din si Maria na magtayo ng isang simbahan sa lugar kung saan siya nagpakita. Ipinagbigay alam ito ni Juan sa Arsobispo pero hindi ito agad na naniwala sa kanya. Bilang pagpapatunay sa aparisyon, ang Mahal na Birhen ay nagutos sa kanya na manguha ng mga bulaklak sa tuktok ng Bundok ng Tepeyec. Ang mga bulaklak ay inayos ng Mahal na Birhen sa balabal ni Juan Diego. Nang buksan niya ito sa harap ng Arsobispo ang mga bulaklak ay nahulog sa sahig at nakita sa balabal ni Juan Diego ang imahe ng Mahal na Birhen. Sa araw na ito, sa pamamagitan ng Mahal na Birheng Maria, nawa tayo’y pagkalooban ng biyaya na tumugon ng may pananalig sa plano ng Diyos.
© Copyright Pandesal 2024