Ebanghelyo: Lucas 1:39-47 (o Lucas 1:26-38)
Nang mga araw ring iyo’y nagmamadaling naglakbay si Maria papunta sa isang bayan sa mataas na lupain ng Juda. Pumasok siya roon sa bahay ni Zacarias at binati si Elizabeth. Nang marinig ni Elizabeth ang bati ni Maria, sumikad ang sanggol sa sinapupunan niya, at napuspos ng Espiritu Santo si Elizabeth at malakas siyang sumigaw at sinabi: “Lubos kang pinagpala sa mga kababaihan. Pinagpala rin ang bunga ng iyong sinapupunan! Sino nga ba naman ako’t naparito sa akin ang ina ng aking Panginoon? Nang umabot sa aking pandinig ang iyong pagbati, sumikad sa tuwa ang sanggol sa aking sinapupunan. Pinagpapala ang naniniwalang magaganap ang mga sinabi sa kanya ng Panginoon.”
At sinabi ni Maria: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.
Tingnan mo nga naman kung paanong kumilos ang Diyos! Pati ang sanggol na nasa sinapupunan ni Elizabeth ay nakakilala sa tinig ni Maria, ang magiging ina ng Anak ng Diyos. Tingnan mo rin kung paanong pinuri ni Elizabeth si Maria, pati na ang sanggol na dinadala ni Maria sa kanyang sinapupunan. Pero sa kabila ng lahat ng pagpupuri ni Elizabeth kay Maria, sa kahuli-hulihan ibinaling niya ang pagpupuri sa pinagmulan ng lahat ng
ito, ang Diyos. Siya pa rin ang bukal ng lahat ng pagpapala.
Pagninilay
Tinanggap ni Maria ang parangal ni Elizabeth. Pero hindi siya tumigil doon. Ibinalik niya sa Diyos ang lahat ng papuri. “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon at nagagalak ang aking espiritu sa Diyos na aking Tagapagligtas.” Ito ang tanda ng mga taong pinagpapala ng Diyos. Tinatanggap nila nang may kagalakan, pagpupuri at pasasalamat ang kagandahang-loob ng Diyos. Pero hindi sila nagmamalaki o tumataas ang tingin sa sarili. Sa halip nakikita nila ang sarili na isang alipin pero dinakila ng Diyos at pinagpala.
Ano kaya tayo? Saan galing ang ating kaligayahan? Sa pagpupuri sa atin ng kapwa tao o sa pagbibigay natin ng papuri sa Diyos?
© Copyright Pang Araw-Araw 2022