Ebanghelyo: Mateo 11:2-11
Nang nasa kulungan si Juan Bautista, nabalitaan niya ang mga ginagawa ni Kristo kaya pinapunta niya ang kanyang mga alagad para tanungin siya: “Ikaw ba ang darating o dapat bang maghintay pa kami ng iba?”
Sumagot si Jesus sa kanila: “Bumalik kayo at ibalita kay Juan ang inyong narinig at nakita: Nakakakita ang mga bulag, nakakalakad ang mga pilay, lumilinis ang mga mayketong, nakakarinig ang mga bingi, nagigising ang mga patay at may mabuting balitang ipinahahayag sa mga dukha. At mapalad ang hindi natitisod dahil sa akin.”
Pagkaalis ng mga sugo ni Juan, nagsimulang magsalita si Jesus sa mga tao tungkol kay Juan: “Ano ang pinuntahan ninyo sa disyerto para makita? Isang kawayang hinahampas- hampas ng hangin? Ano ang pinuntahan ninyo? Isang lalaking magara ang bihis? Sa mga palasyo nga nakatira ang mga taong magagara ang bihis. Ano ba ang pinuntahan ninyo? Isang propeta? Totoo. At sinasabi ko na higit pa siya sa isang propeta. Siya ang binabanggit sa Kasulatan: Pinauna ko sa iyo ang aking mensahero upang ihanda ang daan sa harap mo.
Talagang sinasabi ko sa inyo, walang sinuman sa mga kilalang tao ngayon ang mas dakila pa kay Juang tagapagbinyag, pero mas dakila sa kanya ang pinakamaliit sa kaharian ng Langit.
Pagninilay
Maging si Juan Bautista na sinugo ng Diyos upang manguna kay Jesus ay hindi lubusang nakatitiyak kung si Jesus nga ang sinugong tagapagligtas ng Diyos. Maaaring nais niyang matiyak na ang ginawa niyang paghahanda para sa pagdating ni Jesus ay hindi nasayang sapagkat si Jesus na nga. Sa huli, dahil sa ginawa ni Juan Bautista na pagpuna sa maling ginagawa ni Herodes, ipinapatay siya ni Herodias, ang asawa ng kapatid ni
Herodes pero kinakasama niya.
Buhay pa man si Juan Bautista ay pinarangalan na siya ni Jesus bilang pinakadakila sa mga kilalang tao noong kapanahunang iyon. Pero pagdating ni Jesus nagkaroon ng bagong pamantayan kung sino ang dakila. Hindi na ang makamundong pag-iral kundi ang pag-iral na ng kaharian ng Langit. Ano ito? Ang paghahari ng Diyos sa puso ng tao. Dito hindi na pagsunod sa utos ng Batas ni Moises ang mahalaga kundi ang pagsunod sa batas ng pag-ibig ayon sa halimbawa ni Jesus. Dito makikita ang mga kasapi ng pinaghaharian ng Diyos. Sila ang mga taong wala nang inaasahan kundi ang Diyos. Sila ang mga may malinis na puso. Sila ang mga pinaguusig sa pagsunod sa kalooban ng Diyos. Sila ang mga mahabagin. Sila ang mga mapapalad dahil kasama na nila ang Diyos sa lupa, magkakaroon pa ito ng kaganapan sa buhay na walang hanggan sa kabila sa buhay na walang hanggan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2022