Ebanghelyo: Mateo 17:9a, 10-13
At sa pagbaba nila mula sa bundok, inutusan sila ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang pangitain hanggang maibangon ang Anak ng Tao mula sa mga patay.” Tinanong naman siya ng mga alagad: “Bakit sinasabi ng mga guro ng Batas na dapat munang pumarito si Elias?” At sumagot si Jesus: “Dapat nga munang dumating si Elias para ayusin ang lahat ng bagay. Ngunit sinasabi ko sa inyo na dumating na si Elias pero hindi nila siya nakilala, at pinakitunguhan nila siya ayon sa kanilang kagustuhan. At sa gayon ding paraan magdurusa ang Anak ng Tao sa kamay nila.” At naunawaan ng mga alagad na si Juan Bautista ang tinutukoy ni Jesus.
Pagninilay
Ang Diyos ay hindi tumitigil sa pagpapadala ng mga tao upang tulungan tayong lumalim sa ating pagkilala sa Panginoong Jesucristo at mamuhay sa kanyang pag-ibig. Maaari nating tanggapin ang mga taong nakakatagpo natin araw-araw. Alalahanin na si Jesus ay matatagpuan din sa ating kapwa, lalo na sa mga taong nasa pinakamababang antas ng lipunan. Tulad ng dati, ipinadala ng Diyos si Juan Bautista ngunit marami pa rin ang hindi nagbago at pinatay pa nga nila siya. Nang dumating si Jesus, siya rin ay pinahirapan, pinapako sa krus at namatay. Maging ang mga alagad ay hindi rin kaagad naunawaan ang mga itinuro ni Jesus. Ngunit si Jesus ay mapagpasensya sa kanila. Makalipas ang ilang taon ng pagpapasensya sa kanila, sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, halos lahat sila ay nagsakripisyo ng kanilang buhay para sa ebanghelyo.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021