Ebanghelyo: Mateo 11:16-19
Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nag-aayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, mapatutunayang tama ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
Pagninilay
Tunay na nasa huli ang pagsisisi. Bilang mga kristiyano, kadalasan ito’y dahil sa pagkukulang nating makinig at isabuhay ang salita ng Diyos. Maraming mga ingay at sagabal na umaagaw sa ating atensyon at panahon. Nagkukulang tayo ng panahon na manahimik at makinig sa bulong ng Diyos sa ating puso sa panalangin at pagninilay sa banal na Salita. Nais ng Diyos na hayaan natin siyang gumalaw sa ating buhay. Sapagkat iba-iba ang daan ng bawat isa sa atin, kaya tanging tayo lamang ang may kakayahang unawain ang mensahe ng pagmamahal na ipinararating niya sa atin araw-araw, sa tulong at gabay ng ating pananampalatayang Kristiyano.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020