Ebanghelyo: Mt 18: 12-14
Ano sa palagay ninyo? Kung may sandaang tupa ang isang tao at naligaw ang isa sa mga ito, hindi ba niya iiwan sa kaburulan ang siyamnapu’t siyam para hanapin ang naliligaw? At sinasabi ko sa inyo: Kapag nakita niya ito, mas matutuwa pa siya rito kaysa siyamnapu’t siyam na hindi naligaw. Gayundin naman, ayaw ng inyong Amang nasa Langit na mawala isa man sa maliliit na ito.
Pagninilay
Maigsi lamang ang ebanghelyo sa araw na ito, pero punong-puno ito ng dakilang pag-ibig ng Diyos para sa lahat ng tao. Hindi kailanman man bumitaw at sinukuan ng Diyos ang Tao sa kabila ng kanyang mga pagkukulang. Hinahanap ng Diyos ang sinumang nawawalay sa Kanyang kawan. Hindi hahayaan ng Diyos na tuluyan tayong maligaw ng landas, sapagkat mahalaga ang bawat isa – gaano man kaliit o walang halaga ang tingin natin sa ating mga sarili. Sa buhay, naranasan na ba nating maligaw o mas pinili nating tahakin ang landas palayo sa Diyos. Sa mga oras na sa palagay natin ay nag-iisa tayo at tuluyan nang tinalikuran ng mundo, ang ebanghelyo ngayon ay isang paalala na nariyan ang Diyos para sa atin. Sa bawat isang hakbang nating papalayo sa Kanya, ay humahakbang ng dalawa o tatlong ulit ang Diyos upang abutin tayo.
© Copyright Pandesal 2024