Ebanghelyo: Mateo 11:16-19
Ngayon, kanino ko ikukumpara ang mga tao sa kasalukuyan? Para silang mga batang nakaupo sa mga plasa at nagkakantahan, at nagrereklamo ang ilan sa kanila: ‘Tinugtog namin ang plauta para sa inyo pero ayaw ninyong sumayaw, at nang umawit naman kami ng malungkot na awit, ayaw din ninyong umiyak!’ Ganito rin ang nangyari: Dumating muna si Juan na nagaayuno, at sabi ng mga tao: ‘Inaalihan siya ng demonyo.’ At saka dumating ang Anak ng Tao na kumakain at umiinom, at ang sabi ng mga tao: ‘Lasenggo at matakaw, kaibigan ng mga publikano at mga makasalanan!’ Gayon pa man, mapatutunayang tama ang karunungan ng Diyos sa mga gawa nito.”
Pagninilay
“Hindi mo mapapasaya ang lahat,” ito ang sinasabi ng isang salawikain. Likas na katangian ng tao na laging magbigay ng puna lalo na sa kanilang mga pinuno. Marami tayong matutunan kung tayo ay makikisalamuha sa mga tao. Hindi maiiwasan na makahanap ng mga taong nais mong tawaging isang “grupo ng aking mga kaibigan” lalo na kung bago ka sa isang lugar, lalo na at hindi mo pa kilala ang mga taong naroroon. Mas masahol kung may kumalat na hindi magandang balita tungkol sa iyo kahit bago ka pa dumating. Madalas madali itong paniwalaan ng mga tao. Naramdaman ito ni Jesus. Si Juan Bautista ay ipinadala, inakusahan na galig siya sa mga demonyo. Nang dumating si Jesus, ang puna ng mga tao na siya ay matakaw at lasinggero, at kaibigan ng mga makasalanan. Magtiwala sana tayo sa paraan ni Jesus na gawin ang lahat ng kanyang makakaya at pamamaraan upang maipadama ang pag-ibig ng Diyos para sa lahat na walang kinikilingan.
© Copyright Pang Araw-Araw 2021