Ebanghelyo: Marcos 1:1-8
Ito ang simula ng Ebanghelyo (o Magandang Balita) ni Jesucristo, Anak ng Diyos. Nasusulat sa Propeta Isaias: “Ipinadadala ko ngayon ang aking sugo na mauuna sa iyo para ayusin ang iyong daan. Naririnig ang sigaw sa disyerto: ‘Ihanda ang daan para sa Panginoon, ituwid ang kanyang landas’.” Kaya may nagbibinyag sa disyerto – si Juan – at ipinahahayag niya ang binyag ng pagbabalik-loob para sa kapatawaran ng mga kasalanan. Nagpuntahan sa kanya ang lahat ng taga-Judea at mga naninirahan sa Jerusalem. Inamin nila ang kanilang mga kasalanan at bininyagan sila ni Juan sa Ilog Jordan. Nakadamit-balahibo ng kamelyo at nakabigkis ng katad si Juan, at mga balang at pulot-pukyutang-gubat ang kinakain. At ito ang sinabi niya sa kanyang pangangaral. “Parating na kasunod ko ang gagawa nang higit pa sa akin. Hindi nga ako karapat-dapat yumuko para magkalag ng tali ng kanyang panyapak. Sa tubig ko kayo bininyagan, at sa Espiritu Santo naman niya kayo bibinyagan.”
Pagninilay
Nangaral si San Juan Bautista sa kahalagahan ng kapatawaran. Ito´y isa sa mga mahalagang biyaya ng Diyos ngayong panahon ng Adbyento. Nakatatak sa ating pagkatao ang kapatawaran dahil ang Panginoon mismo ang nagbigay halimbawa kung paano magpatawad sa mga taong nagkasala sa atin. Hindi ito madaling gawin – ang magpatawad at magsisi sa mga kasalanang nagawa. Matatamo lamang natin ang tunay na kapayapaan kapag natutuhan nating magpakumbaba at ialay sa Diyos ang anumang dala dala nating sama ng loob at ang pagnanais na gumanti sa iba. Tanging ang dakilang awa niya ang makakatulong sa atin na makamtan ang isang payapa at bagong buhay.
© Copyright Pang Araw-Araw 2020