Ebanghelyo: Mt 7: 21, 24-27
Hindi lahat ng nagsasabi sa akin ng ‘Panginoon! Panginoon!’ ay papasok sa kaharian ng Langit kundi ang nagsasagawa sa kalooban ng Diyos ang siyang papasok sa kaharian ng Langit. Kaya kung may nakikinig sa mga salita ko at sumusunod dito, matutulad siya sa isang matalinong nagtayo ng bahay sa batuhan. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, ngunit hindi nagiba ang bahay sapagkat itinayo ito sa batuhan. At ang sinumang nakakarinig sa aking mga salita at hindi nagsasagawa nito, matutulad siya sa isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhangin. Bumagyo at bumaha ang ilog at humangin nang malakas, at bumagsak ang bahay at kay laking kapahamakan!
Pagninilay
Malinaw ang winika ni Jesus, ang pananampalataya kay Jesus ay hindi nagtatapos sa mga salita, ito’y kinakailangang samahan ng gawa. Naalala ko tuloy ang madalas sabihin ng isang kaibigan kapag siya’y disappointed sa
isang proyekto na hindi nagtagumpay: “puro lang kwento, wala namang
ganap!” Ganito rin ang buhay pananampalataya natin, kinakailangang
samahan natin ito ng pagsisikap at paggawa. Ang pananampalatayang may kasamang paggawa ay inihalintulad sa isang bahay na itinayo sa batuhan. Ito ay matibay at kayang sumuong sa anumang bagyo at bahang dumating at darating. Samantala, ang isang hangal na nagtayo ng bahay sa buhanginan ay asahang agad itong bibigay at kapahamakan ang aabutin. Gayundin sa ating pananampalataya, ito’y dapat nakaankla sa bato at hindi sa buhangin – si Jesus ang bato natin.
© Copyright Pang Araw-Araw 2024